Shabu

2 suspek na tulak nahulihan ng P850K shabu, long rifle sa Makati

Edd Reyes Oct 21, 2024
15 Views

MATAAS na kalibre ng baril at malaking halaga ng droga ang nakumpiska sa dalawang pinaghihinalaang tulak ng shabu noong Lunes sa Makati City.

Aabot sa 125 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P850,000 at isang M4 rifle ang nasamsam ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang kina alyas Toy, 26, at alyas Jhian, 22, sa buy-bust dakong ala-1:20 ng madaling araw sa Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.

Natiklo ang dalawa sa magkasanib na puwersa ng SPD Drug Enforcement Unit, District Intelligence Division (DID), District Mobile Force Battalion (DMFB) at Makati Police.

Dinala sa SPD Forensic Unit ang mga nakumpiskang shabu upang isailalim sa chemical analysis habang sa isasailalim sa ballistic examination ang long rifle upang alamin kung nagamit ito sa krimen.

Inihahanda na rin ng pulisya ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Section 5 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban kay alyas Toy habang paglabag sa Section 11 ng RA 9165 ang isasampa kay alyas Jhian.