DSWD1

29,906 benepisyaryo sa Davao City, Davao de Oro, DavNorte may P139M AKAP ayuda mula Speaker Romualdez, DSWD, lokal na opisyal

35 Views

NAGKAKAHALAGA ng P139.812 milyon ang cash assistance na naipamahagi sa 29,906 benepisyaryo sa Davao City, Davao de Oro, at Davao del Norte sa apat na araw na payout ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP), isang flagship welfare program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang pamimigay ng ayuda ay pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na opisyal. Isinagawa ang payout mula Oktobre 18 hanggang 21.

Si dating Civil Service Commission chair Karlo Nograles ang namigay ng ayuda sa Davao City noong Lunes kung saan kabuuang P14.5 milyon ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo.

Iginiit ni Speaker Romualdez na ang pamimigay ng ayuda ay isang patunay sa pangako ni Pangulong Marcos na hindi papabayaan ang kapakanan ng mga Davaoeños.

“Malasakit at pagmamahal ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang siyang nagtutulak sa amin para tiyaking ang bawat Pilipino, lalo na ang mga taga-Davao, ay hindi napapabayaan. Patuloy po kaming magtatrabaho upang masiguro na nasa mabuting kalagayan ang inyong kabuhayan,” ani Speaker Romualdez.

“Sa utos ni Pangulong Marcos at sa pamumuno ni Speaker Romualdez, nais naming tiyakin na makarating ang tulong sa mga higit na nangangailangan. Ang AKAP program ay tugon para makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, ang apat na araw na event ay naglalayong tulungan ang mga marginalized sector partikular ang mga mahihirap na komunidad.

Sinabi ni Gabonada na nangyari ang pamimigay ng ayuda sa Davao del Norte noong Oktobre 18 kung saan kabuuang P48.625 milyon ang ipinamahagi sa 9,725 benepisyaryo na nakatanggap ng tig-P5,000.

Kasama sa mga benepisyaryo ang mga guro, non-teaching school personnel, empleyado ng mall, staff ng pribadong ospital, at mga residenteng maliit ang kita.

Ang mga lokal na opisyal gaya nina Vice Governor Oyo Uy at Representative Alan Dujali ay mayroong malaking papel sa pamimigay ng tulong pinansyal.

Noong Oktobre 19 at 20 ay namigay naman ng tig-P5,000 o kabuuang P76.610 milyon sa 15,322 benepisyaryo sa Davao de Oro. Kasama sa mga natulungan ay mga barangay workers, school personnel, at mga empleyadong maliit ang kita.

Kasama rin sa tinulungan ang mga mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Sina Rep. Maricar Zamora, Councilor Myrill Apit of Mawab, Vice Mayor Honeyboy Libuangan ng Laak, at mga lider ng komunidad sa Maco, Mabini, at Nabunturan ay tumulong upang maging matagumpay ang pamimigay ng ayuda.

“Nakita natin ang pagtutulungan ng national at local government upang masigurong mabilis at maayos ang distribusyon ng tulong sa Davao de Oro,” sabi ni Gabonada.

Noong Oktobre 21, isinagawa naman ang payout sa Davao City kung saan P14,577,000 halaga ng cash aid ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo. Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000.

“Ang inyong kapakanan ang laging nasa isip ni Pangulong Marcos. Kaya patuloy po tayong magtutulungan upang masiguro na maipagkaloob ang mga kinakailangang ayuda, lalo na sa mga tulad ninyo na higit na nangangailangan,” sabi ni Nograles.

Kinilala ni Speaker Romualdez ang mga opisyal ng gobyerno nasyunal at mga lokal na pamahalaan sa tagumpay ng pamimigay ng AKAP.

“Napakahalaga ng suporta ng mga lokal na lider tulad ni Atty. Karlo Nograles upang maging matagumpay ang mga ganitong proyekto,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Nagpasalamat naman si Nograles sa national government sa pagtulong sa mga Davaoeños.

“Lubos akong nagpapasalamat sa administrasyon ni Pangulong Marcos at kay Speaker Romualdez sa kanilang malasakit at suporta sa mga Davaoeños. Sa tulong ng AKAP, mas marami ang natutulungan sa ating mga kababayan dito sa Davao City,” ani Nograles.

Tiniyak ni Speaker Romualdez na patuloy pang palalawigin ang tulong na inihahatid ng gobyerno sa mga nangangailangang Pilipino upang matulungang makabangon ang mga ito.

“Patuloy kaming maghahatid ng tulong sa mga komunidad na higit na nangangailangan, lalo na sa mga probinsya ng Davao. Ang ating administrasyon ay nakatuon sa pagbibigay ng pangmatagalang solusyon para sa ikauunlad ng buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.