DepEd chief DepEd chief

DepEd chief accountant na nakakatanggap ng cash allowance mula kay VP Sara

39 Views

ISA pang opisyal ng Department of Education (DepEd) ang umamin na tumanggap ng mga sobre na may lamang pera mjla kay Vice President Sara Duterte noong ito pa ang kalihim ng ahensya.

Si DepEd Chief Accountant Rhunna Catalan ang ikaapat na opisyal na umamin sa pagdinig House Committee on Good Government and Public Accountability na nakatanggap ng pera mula kay Duterte.

“Yes, Sir,” sagot ni Catalan sa tanong ng chairman ng komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua kung tumanggap ito ng envelope na mayroong lamang pera mula sa noon ay DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda, isang pinagkakatiwalaang opisyal ni Duterte.

Sa pagtatanong ni Chua, sinabi ni Catalan na “Minimal amount lang po, it’s 25,000 (pesos).”

Ayon kay Catalan si Fajarda ang nagbibigay sa kanya ng envelope buwan-buwan mula Pebrero hanggang Setyembre 2023.

Inamin din ni Catalan na hiniling sa kanya ni Fajarda na pumirma sa liquidation voucher para sa kabuuang P112.5 milyong confidential fund ng DepEd noong 2023. Ang voucher ay ginamit sa pagkuha ng tseke na ipina-enchash sa Landbank ng mister ni Fajarda na si Edward, ang special disbursing officer (SDO) ni Duterte sa DepEd.

Ang naturang pondo ay nahati sa tatlong tig-P37.5 milyon at in-encash sa unang tatlong quarter ng 2023.

Dahil sa sinabing ito ni Catalan, iginiit ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano ang pangangailangan na humarap sa pagdinig si Fajarda.

“Mr. Chairman, all the more that… Ms. Sunshine Fajarda should be present in the next hearing para po patotohanan ‘yung statement ni Ms. Catalan,” dagdag pa ni Paduano. “Sabihin na natin, you were requested to sign it. So why did you sign it? As per request of Ms. Fajarda?”

“Yes, Your Honor, because it is needed as a covering letter or covering document to the liquidation documents, supporting documents,” sabi pa ni Catalan.

Ang mag-asawang Fajarda ay kabilang sa pitong opisyal ng Office of the Vice President na ipina-subpoena ng komite.

Nagtanong naman ang vice chair ng komite na si Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante kung na-pressure ito na pirmahan ang liquidation reports dahil tumatanggap ito ng pera mula kay Fajarda.

“I was requested, Sir, in a nice way,” sabi ni Catalan.

“You received an envelope nine times, am I right?” tanong ni Abante na kinumpirma ni Catalan.

“Is that not a form of pressure?” sunod na tanong ni Abante.

Ayon kay Catalan tinanong nito si Fajarda kung bahagi ng confidential ang ibinigay nito sa kanya at sumagot umano ito na hindi at sinabi na ito ay allowance mula kay Duterte.

Hindi naman nakumbinsi si Abante.

“Those nine envelopes you received are a form of pressure on your part or from the same person that asked you to sign. Am I right?” tanong ng solon.

Sagot naman ni Catalan, “Maybe, Your Honor.”

Nauna rito, sinabi ni dating DepEd Undersecretary Gloria Jumamil Mercado na tumanggap ito ng mga sobre na may lamang pera mula sa Duterte mula Pebrero hanggang Setyembre 2023. Naglalaman umano ang bawat sobre ng P50,000.

Sa pagdinig noong Oktubre 17, sinabi naman ni dating DepEd Bids and Awards Committee chair Resty Osias na nakatanggap din ito ng mga sobre kada buwan na naglalaman ng P12,000 hanggang P15,000 mula Abril hanggang Setyembre 2023.

Sinabi rin ni dating DepEd spokesperson Michael Poa na makailang ulit itong nakatanggap ng sobre mula kay Duterte.