Navotas Rep. Toby Tiangco Navotas Rep. Toby Tiangco

Tiangco: Mag-ingat sa text scams na nagpapanggap na mula e-wallet

Edd Reyes Nov 8, 2024
28 Views

PINAYUHAN ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang publiko na maging mapagmatyag sa dumaraming text scams na may kakaibang pamamaraan ng panlilinlang sa mga gumagamit ng e-wallet.

Binigyang-diin ni Tiangco, chairman ng House committee on information and communications technology, ang pagtaas ng mga scam messages na nagpapanggap bilang lehitimong paalala ng e-wallets.

“Marami po sa ating mga kababayan ang nabiktima na ng mga text scams na nagpapanggap na mula sa mga e-wallets. Maging mapagmatyag po tayo sa modus na ito at huwag mag-click ng links mula sa text messages,” pahayag ni Tiangco.

Nanawagan din siya sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na paigtingin pa ang hakbang laban sa mga scammers lalo ngayong palapit na ang holiday season.

“Alam naman natin na habang papalapit ang kapaskuhan, lalong nagiging masipag ang mga scammers,” sabi ni Tiangco.

“Hindi sapat na minomonitor lang natin ang sitwasyon. Dapat matunton ang mga masasamang loob sa lalong madaling panahon bago pa dumami ang kanilang mga biktima,” dagdag pa niya.

Ayon sa DICT, ang mga phishing messages at ipinadadala sa pamamagitan ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher, na isang uri ng gamit na nakakatukoy, nakakaharang at nakakagaya sa mga lehitimong mobile communications.

Maging ang mga e-wallet tulad ng PayMaya at GCash ay nagpaalala rin sa kanilang mga kliyente na huwag i-click ang links mula sa hindi nila kilalang nagpapadala ng mensahe.

“After the Marcos administration’s ban on POGO, scammers have intensified their tactics to target unsuspecting Filipinos,” sabi ni Tiangco.

“Let us remain vigilant. Report cybercrime incidents to the Inter-Agency Response Center (IARC) Hotline 1326,” paalala pa niya.