WPS

Barko ng Tsina sa WPS minamanmanan

Chona Yu Jan 6, 2025
50 Views

HINDI mag-aatubili ang pamahalaan ng Pilipinas na tapatan ng karampatang aksyon ang namataang Chinese monster ship sa Zambales sa West Philippine Sea (WPS) sakaling gumawa ito ng anumang provocative action.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni National Security Council Assistant Director-General Jonathan Malaya na hindi pinababayaan at patuloy na sinusundan at minamanmanan ang galaw ng Chinese Coast Guard 5901 vessel.

Kabilang aniya sa mga nakabantay at nakatutok ay ang mga eroplano ng Philippine Coast Guard (PCG) at assets ng Northern Luzon Command, Area Task Force North, at National Task Force for the West Philippine Sea.

Bukod dito, tuloy-tuloy din ang ginagawang radio challenge sa monster ship, at ipinaliliwanag dito na sila ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas at mali ang kanilang iginigiit na nagsasawa ng patrolya sa kanilang area of jurisdiction.

Malinaw ayon kay Malaya na ito ay uri ng intimidation, coercion, deception, at aggression ng China, kung saan ipinapakita nilang may ganito silang barko upang takutin ang mga mangingisda.

Sa ngayon ay wala pa naman umanong ginagawang blocking o dangerous maneuvers ang Chinese monster ship, habang pinapayuhan din ang mga mangingisda sa lugar na ipagpatuloy lamang ang pagpalaot at nakasuporta sa kanila ang gobyerno.