DOTR

DOTr inilahad mga prayoridad sa sektor ng kalsada, infra

Jun I Legaspi Jan 20, 2025
15 Views

PATULOY ang Department of Transportation (DOTr) sa pagsisikap na itaguyod ang sektor ng kalsada at itaguyod ang mga pandaigdigang pamantayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga prinsipyo ng sustainability, inclusivity, at accessibility.

Patuloy na pinapaunlad ng DOTr ang iba’t-ibang proyektong pang-imprastraktura sa kalsada sa buong bansa.

Upang itaguyod ang sustainable mobility at maibsan ang pagsisikip ng trapiko, nakatutok ang Active Transport Program sa people-oriented development, na binibigyan ng prayoridad ang paglalakad, pagbibisikleta, mga non-motorized at light electric vehicles sa loob ng transport network ng bansa.

Nakapagtayo na ang DOTr ng halos 900 kilometrong bike lanes sa 40 lungsod sa NCR, Central Luzon, CALABARZON, Bicol, Western, Eastern at Central Visayas at Davao Region.

Naitayo rin ang kabuuang 228 racks ng end-of-trip facilities para sa mga siklista sa Metro Manila, Metro Cebu at Davao. Layunin ng proyektong ito na magtatag ng 2,400 kilometro ng bike lanes sa buong bansa pagsapit ng 2028.

Naitala na ng Public Transport Modernization Program ang 86% na ng franchise consolidation noong Disyembre 2024.

Pagkatapos ng konsolidasyon, nakatuon ngayon ang programa sa pagsunod at pagkumpleto ng mga Local Public Transport Route Plans (LPTRPs) ng mga LGU, na magsisilibing gabay para tukuyin ang mga sustainable at kumikitang ruta sa loob ng mga lokal na pamahalaan.

Sa kasalukuyan, mayroong 1,170 LGUs mula sa 1,591 LGUs (73.5%) ang nakapagsumite na ng kanilang Local Public Transport Route Plan, at 222 rito (19% ng kabuuang naisumite) ang naaprubahan na. Bukod dito, 80 LGUs na ang nag-isyu ng memorandum circulars mula sa LTFRB na nagbubukas ng mga LPTRP routes para sa aplikasyon ng CPCs.

Ang 35-kilometrong Cebu BRT magkakaroon ng 22 istasyon na magkokonekta sa mga pangunahing bahagi ng Cebu City para sa mabilis at tuloy-tuloy na transportasyon.

Noong Disyembre 2024, ang Cebu BRT Public-Private partnership iginawad sa Megawide na nagkakahalaga ng mahigit P28 billion.

Kapag natapos, ang proyekto makakapag-accommodate ng 100,000 hanggang 300,000 pasahero araw-araw. Nakatakda itong magsimula ng operasyon sa 2027.