Calendar
Kelot umihi. nabuking na may boga, droga
KALABOSO ang sinapit ng 30-anyos na lalaki nang makuhanan ng baril at shabu matapos madakip ng takasan ang mga pulis na sumita sa kanya sa pag-ihi sa pampublikong lugar noong Linggo sa Caloocan City.
Multa lang sana ang ipapataw sa suspek na si alyas Randy nang sitahin ng mga pulis habang umiihi sa Kaagapay Road, Brgy. 188, dakong alas-2:30 ng madaling araw pero biglang kumaripas ng takbo kaya hinabol ng mga pulis.
Nang nakorner, napuna ng mga pulis ang puluhan ng baril na nakasukbit sa baywang ng suspek at nang kapkapan, nakumpiska ang kalibre .38 revolver na may apat na bala at 20 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P136,000.
Inihahanda na ng mga pulis ang paghahain ng mga kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Omnibus Election Code, at Section 11 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa suspek.