Calendar

Pola oil spill 2nd anniv inalala
POLA, Oriental Mindoro–Ginunita sa bayang ito ang ikalawang anibersaryo ng malawakang oil spill na sumira sa mga baybaying dagat ng lalawigan.
Dumalo si Mayor Jennifer “Ina” Mindanao-Cruz sa paggunita, kung saan nagtipon ang mga opisyal ng gobyerno at mga tagapagtaguyod ng kalikasan upang balikan ang epekto ng trahedya.
Nagmula ang trahedya ng lumubog ang MT Princess Empress sa baybayin ng Naujan na nagbuhos ng 900,000 litro ng industrial oil sa karagatan.
Nagdulot ito ng matinding pinsala sa kapaligiran.
Pinangunahan nina Mayor Cruz at dating DILG secretary Benhur Abalos ang pagpapasinaya ng isang marker na sumisimbolo sa katatagan ng komunidad na bumangon mula sa trahedya.
Binigyang-diin ni Mayor Cruz ang pagkakaisa ng mga taga-Pola sa pagharap sa pagsubok.
Itinampok ng mga tagapagtaguyod ng kalikasan, kabilang ang Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), ang oil spill bilang isang babala upang wakasan na ang pag-asa sa fossil fuels.
Pinuri nila ang inisyatiba ng Pola sa pagtuklas ng mga alternatibong renewable energy, tulad ng bagong solar-powered water pump project sa Brgy. Batuhan.
“Ang oil spill noong 2023 isang trahedyang nagpapaalala kung gaano kapinsala ang pagkadepende sa fossil fuel, lalo na sa mga ekolohikal na mahihinang lugar tulad ng Mindoro,” ayon kay Atty. Avril De Torres, Deputy Executive Director ng CEED.
May layuning bigyang-priyoridad ang mga malinis na proyekto sa enerhiya at maiwasan ang mga hinaharap na sakuna sa pamamagitan ng paghihigpit sa pag-angkat ng mapanganib na mga langis sa kanilang karagatan.