Sunog

Sunog sumalubong sa fire prevention month sa Malabon

Edd Reyes Mar 1, 2025
13 Views

ILANG kabahayan at establisyemento noong Sabado ang nasunog sa Malabon City sa unang araw ng fire prevention month ngayong Marso.

Dakong alas-7:17 ng umaga nang simulang lamunin ng apoy ang dalawang palapag na bahay sa Block 2, Pampano St., Brgy. Longos na nirespondehan ng mga kagawad ng Malabon Bureau of Fire Protection (BFP) katuwang ang mga fire volunteers.

Nakontrol ng mga bumbero ang sunog dakong alas-7:54 ng umaga bago tuluyang maapula ng alas-8:40 ng umaga.

Walang iniulat na nasawi o nasugatan sa sunog na tumupok din sa isang bentahan ng bisikleta.

Nauna rito, ilang kabahayan sa Dimasalang, Maypajo, Brgy. 27 sa Caloocan City ang nilamon ng apoy noong Biyernes dakong alas-10:44 ng gabi.

Walang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog na naapula pasado alas-12:00 ng hatinggabi.