Calendar

Speaker Romualdez nakiisa sa pakikiramay sa pamilya ng 2 pumanaw na piloto ng AFP
NAKIKIISA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasama ang administrasyong Marcos at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagdadalamhati sa pagkamatay ng dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) matapos bumagsak ang kanilang sinasakyang eroplano sa Bukidnon.
Nagpaabot din si Speaker Romualdez ng kanyang taos-pusong pakikiramay sa naulilalang pamilya ng mga nasawi.
“Nakikiisa ako sa pagdadalamhati ng ating Sandatahang Lakas at ng mga pamilya ng dalawang piloto ng Philippine Air Force na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan,” ayon pa sa pinuno ng Kamara na binubuo ng 306-na kinatawan.
“Sila ay hindi lamang mga sundalo; sila ay mga anak, kapatid, at ama na iniwan ang kanilang mga mahal sa buhay upang gampanan ang isang dakilang misyon. Sa kanilang huling paglipad, dala nila ang pangarap ng bawat Pilipino para sa isang ligtas, payapa, at maunlad na bansa,” saad ng kongresista.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang sakripisyo ng mga piloto ay nagpapaalala sa kahalagahan ng pagkakaisa ng bansa. Nangako rin siyang patuloy na susuportahan ng Kamara de Representantes ang pagpapalakas ng AFP.
“Ang sakripisyong ito ay isang paalala sa ating lahat kung gaano kahalaga ang patuloy nating pagkakaisa bilang isang bansa. Hindi lamang ito laban ng ating mga sundalo; ito ay laban ng bawat Pilipino laban sa takot, karahasan, at pang-aabuso,” ayon pa kay Speaker Romualdez.
“Sinisiguro namin sa Kongreso na hindi masasayang ang kanilang dugo at pawis. Patuloy nating palalakasin ang ating Sandatahang Lakas, titiyakin ang sapat na suporta para sa ating mga sundalo, at ipaglalaban ang isang bansa kung saan ang kapayapaan ang mananaig,” dagdag pa nito.
Kinilala rin ng pinuno ng Kamara ang mga piloto bilang mga bayani at tiniyak sa kanilang pamilya na handang tumulong si Pangulong Marcos Jr. at ang kaniyang administrasyon.
“Sa pamilya ng ating mga bayaning piloto: hindi kayo nag-iisa. Ang buong sambayanan ay nakikiisa sa inyong pagdadalamhati. Ang ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. at kanyang gobyerno ay nandito upang siguraduhin na ang inyong mga mahal sa buhay ay kikilalanin hindi lamang bilang sundalo, kundi bilang mga bayani ng ating bayan,” saad pa ni Speaker Romualdez.
Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa lahat ng sundalo para sa kanilang tapat na paglilingkod sa bansa.
“Sa lahat ng sundalong Pilipino — sa himpapawid, sa lupa, sa dagat – saludo kami sa inyo. Ang inyong tapang at dedikasyon ang dahilan kung bakit patuloy tayong namumuhay nang malaya.
Maraming salamat sa inyong serbisyo at malasakit,” ayon pa sa mensahe ni Speaker Romualdez.