Calendar
Kahalagahan ng Benoni Port binahagi ni PBBM


PORMAL na pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bagong Passenger Terminal Building (PTB) at Lightcraft Landing Station sa Benoni Port, Camiguin. Layunin ng makabagong pasilidad na palakasin ang turismo, pasahero, at lokal na negosyo sa probinsya.
Binanggit ng Pangulo ang kahalagahan ng Benoni Port bilang pangunahing tulay ng mga residente, mangingisda, negosyante, at turista:
“Ang Benoni Port ay nagsisilbing mahalagang link upang manatiling dumadaloy ang tao, produkto, at serbisyo. Ito ang nagbibigay-daan sa mga pamilya na makauwi, sa mga negosyante na maihatid ang kanilang produkto, sa mga mangingisda na madala ang kanilang huli sa pamilihan, at sa mga turista na masiyahan sa kagandahan ng Camiguin,” ani Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo, nakatuon ang administrasyon sa pagbibigay ng modernong imprastruktura upang higit pang mapaunlad ang Camiguin.
Samantala, binigyang-diin ni Kalihim ng Transportasyon Banoy Lopez na ang bagong pasilidad ay maghahatid ng “world-class” na karanasan sa mga pasahero at turista:
“Ang bilin ng Pangulo, lahat ng pantalan ay dapat moderno at world-class. Kaya katuwang ang Philippine Ports Authority (PPA), patuloy tayong nag-iinvest para mas mapalawak ang access ng ating mga kababayan at turista,” ani Lopez.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, inaasahang mas mapapabilis ang biyahe, mababawasan ang siksikan, at mas magiging ligtas at komportable ang karanasan ng mga biyahero sa bagong pasilidad.
Ang Benoni Port ay pangunahing daungan ng Camiguin na nag-uugnay sa mainland Mindanao at Bohol, partikular sa Port of Jagna at Port of Balingoan sa ilalim ng Central Nautical Highway. Inaasahan na aabot sa 893,071 pasahero at 174,921 sasakyan ang dadaloy sa pantalan pagsapit ng 2030.
Kasama sa mga dumalo sa inagurasyon sina Special Assistant to the President Anton Lagdameo, Rep. Jurdin Jesus “JJ” Romualdo, Camiguin Governor Xavier Jesus Romualdo, at Mahinog Mayor Rey Lawrence Tan.
