OFW boxes

Mas mabilis na pagpapalabas ng balikbayan boxes ng OFWs isinusulong sa Senado

30 Views

NANANWAGAN ang Senate Committee on Migrant Workers para sa agarang reporma upang mapabilis ang pagpapalabas ng mga balikbayan boxes na ipinapadala ng overseas Filipino workers (OFWs).
Sa naganap na pagdinig, isiniwalat na marami sa mga kahon ang nananatili sa mga bodega ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga dayuhan at lokal na freight forwarders.

Tinanong ni Senator Raffy Tulfo kung bakit inaabot ng mahigit isang taon ang ilang padala bago makarating sa kanilang mga dapat na tumanggap.

“One year after, nasa Customs pa rin. Who would like to answer? Where is the problem?,” tanong ni Tulfo, habang iginigiit na ito ay dagdag na pabigat sa mga OFW.

Sa pagdinig, ipinaliwanag ng mga opisyal ng BOC na marami sa mga kahon ang hindi pa nakukuha dahil sa hindi nabayarang bayarin ng mga freight forwarder. Isiniwalat naman ni DMW Undersecretary Bernard Olalla na may mga consolidator na hindi nagbabayad ng import duties, kaya nagkakaroon ng pagkaantala.

“We need a separate accreditation process exclusively for Balikbayan boxes,” ayon kay Olalla. “We also propose requiring insurance coverage for shipments to ensure accountability.”

Nanawagan si Tulfo na magkaroon ng isang “special lane” para sa mga balikbayan boxes ng OFWs upang hindi na sila sumailalim sa hindi kinakailangang proseso.

“Come up with a system, DMW, DTI, and Customs. Bigyan ng special lane ang ating OFWs. I don’t know how you do it, just do it,” aniya.

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakikipagtulungan ito sa BOC at Department of Trade and Industry (DTI) upang bumuo ng listahan ng mga akreditadong consolidator at itala ang mga hindi mapagkakatiwalaan.

Tiniyak naman ng mga kinatawan ng BOC sa Senado na pinapabilis nila ang pagpapalabas ng mga hindi pa nakukuhang kahon at makikipagtulungan sa iba pang mga ahensya ng gobyerno upang maiwasan ang mga susunod pang pagkaantala na ani Tulfo ay sobrang perwisyo at hindi makatuwiran.