Calendar

House leader sa pag-ako ni Duterte ng pananagutan sa drug war: ‘Guilt is personal’
MALUGOD na tinanggap ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales ang muling pag-ako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pananagutan sa pagkamatay ng libu-libong drug suspects sa pagpapatupad ng madugong kampanya kontra iligal na droga ng kanyang administrasyon.
“Well, katulad nga ng sinabi ng dating Pangulong Duterte, guilt is personal. Inakusahan nga siya ng pagpatay, ‘yung mga kamag-anak ng mga nasawi noong panahon na paglaban ng ating pamahalaan lalong-lalo sa illegal drugs. Dapat lang naman talaga na sagutin, harapin at bigyan ng katarungan ‘yung mga nangyari noong panahon na siya ay naging presidente,” ani Khonghun sa isang press conference nitong Huwebes.
“If he is willing to take the responsibility sa nangyayari doon, mas maganda, dahil ibig sabihin siya mismo rin sa kanyang sarili na nalaman niya na kung sino talaga ‘yung responsable, lalo na ‘yung mga nangyaring pagpatay noong panahon ng kanyang rehimen,” ayon pa kay Khonghun, chairman ng House special committee on bases conversion.
Para kay House Assistant Majority Leader Ernix Dionisio Jr. ng Maynila, dapat unawain ng publiko ang mga pahayag ni Duterte bilang bahagi ng kanyang matinding emosyon sa kasalukuyan.
“I think it could be that the former president is very emotional at this point. Ako kasi, kung anuman ‘yung sinasabi ng ating dating pangulo, we just take it for what it is. At the end of the day, ‘yung proseso nangyayari na eh,” aniya.
“So let’s not overanalyze, let’s just hear everything, ‘yung mga issues and pieces of evidence, and let’s assess from there,” dagdag pa ni Dionisio.
Hinimok din ng kongresista ang publiko, lalo na ang mga taga-suporta ni Duterte, na manatiling mahinahon at tiyakin na nasa maayos na kalagayan ang dating pangulo habang nasa The Hague, kung saan siya nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Dionisio, ligtas ang dating pangulo sa The Hague.
“Siguro ‘yung isang key point na dapat maging kapanatagan din ng mga kababayan natin at sa mga nasa side ni former president is that the… ‘yung safety niya rin doon sa lugar. And from the photos that I’ve seen sa news and online, mukha naman nasa maayos siyang in good health and high spirits. So again, let’s just wait on how things will pan out and turn out,” ani Dionisio.
Bago lumapag ang eroplano ni Duterte sa The Hague, inulit nito ang kanyang pahayag na inaako niya ang responsibilidad sa mga pagkamatay na may kaugnayan sa drug war at extrajudicial killings (EJK).
Pagdating sa The Hague ng dating pangulo, agad siyang ipinasailalim sa kustodiya ng ICC.
Tinulungan naman ng Embahada ng Pilipinas sa The Hague ang dating Pangulo at kanyang mga kasama na kanilang binigyan ng winter clothing at inayos ang kanilang mga visa.