Calendar
Binusisi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang panukalang 2027 badyet ng National Irrigation Administration (NIA) kay Administrator Engr. Eddie G. Guillen nitong Setyembre 17, 2026.
JOSEPH MUEGO
Pondohan ang El Niño sa 2027 NIA budget—Pangilinan
Kailangang isama ng National Irrigation Administration (NIA) ang matinding paghahanda laban sa El Niño sa kanilang panukalang P46.36 bilyong pondo para sa 2027 upang maprotektahan ang ani ng mga magsasaka, iginiit ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ngayong Huwebes.
Kinuwestiyon ng tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform ang pamunuan ng NIA ukol sa 27 porsyentong tapyas sa hinihingi nilang badyet kumpara noong 2026.
Ikinabahala rin ng senador ang iniulat na 58 porsyentong bawas sa pondo para sa mga sistema ng irigasyon.
“Ilang buwan nang nagsasabi ang mga scientist sa PAGASA na dadating ang napakalakas na El Niño sa huling buwan ng 2026 hanggang sa unang anim na buwan ng 2027,” babala ni Pangilinan.
Ipinaliwanag niyang hindi ngayon ang tamang panahon para magtipid sa mga kanal, pumps, reservoir, communal irrigation, at pagkukumpuni ng mga pasilidad.
“Walang accomplishment kung walang tubig na umaabot sa sakahan. At walang infrastructure kung hanggang papel lang ang proyekto. Lalong-lalo na sa panahon ng El Niño,” dagdag pa ng mambabatas.
Nanawagan din ang senador na maglaan ng tulong para sa mga magsasakang nasalanta ng malawakang pagbaha kamakailan sa Central Luzon, Northern Luzon, at Southern Luzon.
Sinabi pa ni Pangilinan na babantayan niya ang pagpapatupad ng public transparency portal na isinulong niya sa pambansang badyet upang mabusisi ang mga kontrata, geotagged project information, at resulta ng quality testing ng mga proyekto.

