SC review limitado sa 2/3 vote issue

170 Views

SINABI ni retired Chief Justice Reynato Puno na nasa Senate impeachment court ang pangunahing kapangyarihang magpasya kung paano ipatutupad ang constitutional two-thirds requirement sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ngunit maaari pa ring makialam ang Supreme Court sa kaso ng grave abuse of discretion o paglabag sa constitutional rights.

Nagbigay ng kanyang opinyon si Puno bilang amicus curiae, o friend of the court, habang muling sinusuri ng senator-judges ang ruling ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na 16 affirmative votes ang kailangan upang ma-convict si Duterte. Ang review ay nag-ugat sa appeal ni Senator-Judge Erwin Tulfo sa ruling at sa tanong kung dapat isama sa denominator ang mga senador na hindi makalahok sa proceedings.

Tinanong ni Senate President at Senator-Judge Sherwin Gatchalian kung political question ang pagtukoy kung sinu-sinong senador ang dapat isama sa computation ng two-thirds vote.

“As a general rule, that is a political question that will involve policy considerations, that will involve the exercise of wisdom of the members of the Senate impeachment court,” sagot ni Puno.

Ayon kay Puno, ang Konstitusyon ay hindi nagtakda ng numerong 16 kundi gumamit ng fraction na “two-thirds of all the Members of the Senate,” kaya hindi dapat basta ihiwalay ang probisyon sa iba pang kaugnay na bahagi ng Konstitusyon sa pagbibigay-kahulugan dito.

“We cannot interpret that Constitution in isolation from the other provisions of the Constitution,” aniya.

Iginiit din ni Puno na ang Senate impeachment court ay hindi nasa ilalim ng Supreme Court tulad ng mga regular na hukuman. Ang Article XI ng Konstitusyon ang nagbibigay sa Senado ng sole power to try and decide all cases of impeachment, ayon sa dating punong mahistrado.

Gayunman, hindi niya itinuring na lubos na ligtas sa judicial review ang lahat ng aksyon ng impeachment court.

Ayon kay Puno, maaaring pumasok ang Supreme Court kung may grave abuse of discretion o kung nalabag ang constitutional rights ng respondent, kabilang ang karapatang humarap sa patas at walang kinikilingang mga senator-judge.

Sa ilalim ng Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution, walang maaaring ma-convict sa impeachment nang walang concurrence ng two-thirds of all the members of the Senate.

Noong Hulyo 6, nagpasya si Escudero na nangangailangan ito ng 16 affirmative votes batay sa 24-member Senate. Ang ruling na iyon ang inaapela ngayon sa impeachment court.

Magkakaiba ang pananaw ng apat na dating mahistrado na hiningan ng korte ng opinyon.

Sa memorandum na binasa sa record, sinabi ni retired Chief Justice Hilario Davide Jr. na ang denominator ay dapat ibatay sa mga senador na qualified to vote at hindi awtomatikong sa 24.

Sinabi naman ni retired Chief Justice Artemio Panganiban na mahalaga ang active participation at independent evaluation of evidence ng senator-judges sa pagtupad ng kanilang constitutional responsibility.

Kabaligtaran nito, iginiit ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna na dapat manatili sa denominator ang isang senador hangga’t miyembro pa siya ng Senado. Ayon kay Azcuna, maaalis lamang sa bilang ang senador kapag namatay, nagbitiw o natanggal sa puwesto.

Sinabi rin nina Puno at iba pang amici na hindi direktang kumokontrol sa kasalukuyang usapin ang Avelino v. Cuenco dahil quorum ng Senado bilang legislative body, at hindi impeachment conviction threshold, ang isyung pinagpasiyahan sa kasong iyon.

Nakatakdang dinggin ng impeachment court ang argumento ng prosecution at defense sa Setyembre 23 bago resolbahin ang challenge sa 16-vote threshold.