Calendar
TESDA hiningian ng pangmatagalang plano ni Zubiri
HININGI ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang konkretong plano ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa 18 training centers sa Bukidnon l.
Ito’y matapos iulat na may ilang pasilidad na ginagamit lang umanong kulungan ng kambing, bodega o multipurpose building.
Inilabas ni Zubiri ang mga larawan ng mga centers sa pagdinig para sa panukalang 2027 budget ng TESDA.
Sinabi niyang ipinatayo ang mga ito upang mailapit ang skills training sa mga komunidad na nangangailangan nito.
Ayon kay Zubiri, may training center sa bawat munisipalidad at Bukidnon.
“What if I’m no longer there?” tanong ni Zubiri, habang nagbabala na maaaring maging bodega na lamang ang ilang gusali matapos ang 2028.
Hiniling niya sa TESDA ang plano para sa bawat munisipalidad, pati ang listahan ng mga kulang na trainer at kagamitan.
Handa siyang tumulong sa pondo, ngunit kailangan munang malinaw ang programa, tagapamahala at papel ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay TESDA Secretary/Director General Jose Francisco “Kiko” Benitez, inilulunsad ng ahensya ang local workforce-development planning upang maiayon ang training sa pangangailangan ng bawat lalawigan.
Nakatuon ang Bukidnon sa agrikultura at kasunod ang construction, ayon kay Benitez.
Nakipagpulong na umano ang TESDA sa mga alkalde at isinusumite na ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga kahilingan para sa kagamitan.
Sinabi naman ni TESDA Deputy Director General for Technical Education and Skills Development Operations Vidal Villanueva III na naayos na ang mga pasilidad at wala nang kambing sa mga ito habang ipinoproseso ang registration ng mga programa.
Kabilang sa mga kursong pinag-aaralan ang electrical installation and maintenance, welding, dressmaking, machinery repair at iba pang kasanayang kaugnay ng agrikultura at construction.
Iginiit ni Zubiri na hindi sapat ang pagkakaroon ng gusali. Dapat may tuloy-tuloy na scholarship allocation, trainers, equipment at kursong makatutulong sa mga residente na makahanap ng trabaho o makapagsimula ng kabuhayan.
Humingi ang TESDA ng karagdagang pondo para sa mahigit 162,000 benepisyaryo. Ang panukalang 2027 budget ng ahensya ay P21.20 bilyon, P5.15 bilyon o 19.5 porsiyentong mas mababa sa P26.35-bilyong budget nito ngayong 2026.
