Calendar
Roblox nakipagtulungan na sa PH — Hontiveros
NAKIPAGTULUNGAN na ang online gaming platform na Roblox sa mga awtoridad ng Pilipinas, ayon kay Senador Risa Hontiveros, habang itinutulak niya ang isang batas na mag-uutos sa mga online platform na magtalaga ng legal representative sa bansa.
Ibinunyag ito ni Hontiveros, chair ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, matapos makipagpulong sa mga kinatawan ng Roblox. Bahagi ito ng patuloy na deliberasyon sa Senado sa pinalakas na Anti-OSAEC bill, kilala ngayon bilang SAGIP Bata Act.
Sa ilalim ng panukala, kailangang magtalaga ang mga online platform ng Pilipinong kinatawan na awtorisadong tumanggap ng subpoena, takedown at blocking order, kahilingan para sa account information, at iba pang legal na directive.
“Kapag may batang Pilipinong posibleng biktima ng grooming o online sexual abuse, bawat oras ay mahalaga. Kailangang alam agad ng ating mga awtoridad kung sino ang lalapitan,” sabi ni Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, mayroon nang mga channel ang Roblox para sa koordinasyon sa mga law-enforcement agency ng Pilipinas, at bukas ito sa pagtatalaga ng kwalipikadong third party bilang lokal na kinatawan.
“We appreciate Roblox’s openness and its existing work with our law-enforcement agencies. Our goal is to build on that cooperation and make it reliable across platforms, and not dependent on informal or individual arrangements,” sabi pa niya.
Ayon sa mga talaan ng Senado, ilang buwan bago ang pulong na ito, naghain si Hontiveros ng Senate Resolution No. 357 na nag-uutos sa kanyang komite na imbestigahan ang Roblox at iba pang online gaming platform, kasabay ng banta noon ng posibleng nationwide ban sa bansa. Layunin ng SAGIP Bata Act na palakasin ang umiiral nang Republic Act 11930, ang Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act ng 2022.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat nakasalalay lamang sa mga magulang at batang gumagamit ang proteksyon laban sa online sexual abuse. Dapat ding tumulong ang mga platform na pinagtatagpuan at pinag-uusapan ng mga bata na maiwasan ang grooming at pang-aabuso.

