Calendar
After BARMM elections, magkaisa na tayo–Bam
NANAWAGAN si Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV sa mga nagwagi sa parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na magkaisa sa pagbuo ng regional government matapos walang partido ang nakakuha ng sapat na bilang upang kontrolin ang 80-member parliament.
Kinondena ni Aquino ang mga nasa likod ng karahasan na ikinamatay ng apat at ikinasugat ng 19 iba pa.
Ayon sa Commission on Elections, 16 election-related incidents ang naitala sa BARMM polls kabilang ang mga pamamaril, kaguluhan at pagsabog.
Batay sa ulat ng Comelec at pulisya, tatlo ang namatay at 15 ang nasugatan sa isang pamamaril sa Datu Usman Mampen School sa Brgy. Bagua 2, Cotabato City.
Isa pa ang namatay at tatlo ang nasugatan sa karahasan sa Pilot Central Elementary School. Isa ang nasugatan nang sumabog ang improvised explosive device na iniulat na dala nito.
Pinuri ni Aquino ang mga mamamayan ng Bangsamoro sa paggamit ng kanilang karapatang pumili ng mga pinuno ng rehiyon.
Idinaos noong Setyembre 14 ang kauna-unahang regular parliamentary elections sa BARMM na naglipat sa rehiyon mula sa pansamantalang Bangsamoro Transition Authority patungo sa isang halal na regional parliament.
May 2.39 milyong rehistradong botante ang maaaring pumili ng mga kakatawan sa 80-member Bangsamoro Parliament—40 regional party representatives, 32 parliamentary district representatives at walong sectoral representatives.
Ipinroklama ng Comelec noong Setyembre 16 ang mga nanalong partido at kandidato. Nakatakdang manungkulan ang 80 halal na miyembro sa Oktubre 30 at sila ang pipili sa magiging chief minister.
Walang partido ang nakakuha ng 41 puwestong kailangan para sa mayorya, kaya kailangan ang koalisyon o kasunduan sa pagitan ng mga grupo upang makabuo ng pamahalaan at makapili ng chief minister.
Nakuha ng Bangsamoro Federalist Party ang 16 sa 40 regional party seats, habang 15 ang napunta sa United Bangsamoro Justice Party. Walong pwesto ang nakuha ng BARMM Grand Coalition at isa ang napunta sa Raayat Democratic Party.
Hindi pa kabilang sa bilang na ito ang district at sectoral seats na bumubuo sa natitirang kalahati ng parliament.
Sinabi ni Aquino na sinusuportahan niya ang imbestigasyon ng Comelec sa mga iniulat na election offenses, kabilang ang pagkakatuklas ng mga pre-shaded ballot sa Maluso, Basilan.
Natuklasan ng Comelec na nakompromiso ang mga balotang nakalaan sa 36 sa 68 polling precincts sa Maluso. Saklaw ng mga apektadong presinto ang 16,563 rehistradong botante.
“We support the Commission on Elections in their investigation to resolve all election-related offenses, including the discovery of pre-shaded ballots in Maluso, Basilan,” ani Aquino.
Ang halalan ay bahagi ng pagpapatupad ng 2014 peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front at ng Bangsamoro Organic Law na lumikha sa BARMM.

