Chiz

Escudero pwedeng baliktarin sarili sa ‘sweet 16’ ruling

125 Views

MAAARING bumoto si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero para baligtarin ang sarili niyang tentative 16-vote ruling kapag pinagpasiyahan ng Senate impeachment court ang mosyon ni Senator-Judge Erwin Tulfo, ayon kay impeachment-court spokesperson Reginald Tongol.

“Kasama po iyong Presiding Officer sa boboto,” ani Tongol sa post-session briefing noong Miyerkules.

Kung papanig si Escudero sa pagbaligtad sa ruling, sinabi ni Tongol na nangangahulugan itong nakumbinsi ang presiding officer ng mga argumento ng amici curiae at ng prosecution at defense.

Kung bumoto naman siya laban sa mosyon, mananatili si Escudero sa nauna niyang ruling na 16 boto—two-thirds ng buong 24-member Senate—ang kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte.

Hindi pa sinabi ni Escudero kung paano siya boboto.

Target ng impeachment court na resolbahin ang threshold dispute sa Setyembre 23.

Bibigyan ang prosecution at defense ng tig-15 minuto upang ipaliwanag ang kanilang posisyon. Maaari namang magtanong ang mga senator-judge upang subukin ang kanilang legal theories, ayon kay Tongol.

Sinabi ni Tongol na maaari ring ipaliwanag ng mga senator-judge ang kanilang mga boto sa halip na limitahan ang record sa simpleng aye o nay.

Nilinaw naman niyang target lamang ang Setyembre 23. Maaari pa itong maurong kung hahaba ang oral arguments, pagtatanong o deliberasyon.

Ang aktuwal na majority ay nakadepende pa rin sa bilang ng mga senator-judge na naroroon kapag tinawag ang botohan.

Hindi rin pinal kung isa o dalawang boto ang gagawin ng impeachment court.

Sa unang posibleng proseso, boboto muna ang mga senator-judge kung babaligtarin ang 16-vote ruling. Kung mananaig ang mosyon ni Tulfo, susunod ang pagdedesisyon sa denominator at aktuwal na bilang ng mga botong kailangan para sa conviction.

Dahil mayroon pang umiiral na ruling, sinabi ni Tongol na ang agarang pagbobotohan ay ang mosyon ni Tulfo na baligtarin ito. Ayon sa kanyang paliwanag, majority ng mga senator-judge na naroroon ang magpapasya sa mosyon.

Hindi dapat ipagkamali ang majority vote sa mosyon sa two-thirds vote na kinakailangan para sa conviction. Ang una ay tungkol sa preliminary ruling; ang ikalawa ay ang constitutional requirement para mahatulan ang isang impeached official.

Ipinagtanggol din ni Tongol ang posibilidad na baguhin ni Escudero ang sarili niyang ruling.

Inihalintulad ni Tongol ang threshold ruling sa isang interlocutory order–isang kautusang hindi pa pinal at maaaring baguhin o muling isaalang-alang bago ang final judgment.

Binanggit niya ang Rule 135, Section 5(g) ng Rules of Court tungkol sa kapangyarihang baguhin ang interlocutory orders upang umayon sa batas.

Nanindigan naman si retired Associate Justice Adolfo Azcuna na “all means all” at dapat isama sa denominator ang lahat ng nakaupong senador maliban kung may permanenteng vacancy.

Sinabi ni Azcuna na walang vested right sa isang partikular na procedure, kahit nanatili siyang pabor sa full-membership denominator.

Hindi pa paghatol kung guilty o not guilty si Duterte ang threshold vote. Tutukuyin lamang nito kung ilang boto ang kailangan kung umabot ang impeachment trial sa final judgment.