SM

SM Manila, San Lazaro may prayer rooms na para sa mga Muslim

Edd Reyes Sep 17, 2026
141 Views

INANUNSYO ni Manila Vice Mayor Chi Atienza na bukas na ang mga Muslim prayer rooms sa SM Manila at San Lazaro.

Nagtungo ang bise alkalde sa prayer room sa SM Manila para huling inspeksiyon upang matiyak na handang-handa na ang pasilidad.

Sa SM San Lazaro, handa na ang prayer room na ayon sa bise alkalde nagpapatibay sa mabuting pamamahala ni Mayor Isko Moreno Domagoso.

“Simula pa noong umpisa, talagang importante sa amin ni Yorme Isko Moreno Domagoso ang aming mga kapatid na Muslim,” pahayag ni Atienza.

Sinabi ni Atienza na hiniling nila sa pamunuan ng SM na palawakin pa ang sukat mula sa orihinal na iminungkahing prayer room na matatagpuan sa ika-limang palapag ng SM City habang nasa upper ground floor ang prayer room sa SM San Lazaro.

“Dito po sa Maynila, talagang tinatayuan namin ang aming sinabi,” sabi pa ng bise alkalde.