Chinese, Jordan nationals nahuli ng BI

Jun I Legaspi Mar 16, 2025
41 Views

INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) noong Marso 11 ang dalawang dayuhan dahil sa pag-isyu ng pekeng tseke at cybercrime.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga banyaga na sina Hussam Aldeen Mohd Kamiel Ghanem, Jordanian, 56; at Peng Quanbin, Chinese; 28.

Nahuli ang dalawa sa magkahiwalay na operasyon ng mga miyembro ng BI Fugitive Search Unit (FSU) batay sa mga mission order na inisyu sa kahilingan ng Interpol at ng China.

Arestado si Ghanem noong Marso 11 sa BI main office sa Intramuros, Maynila matapos subukang pahabain ang kanyang tourist visa.

Natuklasan ng mga tauhan ng BI Tourist Visa Section (TVS) na si Ghanem nasa derogatory database ng ahensya.

Si Peng naaresto kinabukasan sa Brgy. Carmona, Makati City.

Ipinaliwanag ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na ang pag-aresto kay Ghanem alinsunod sa hiling ng Interpol Manila batay sa utos ng mga awtoridad ng Jordan na nais siyang arestuhin at ipa-deport dahil sa pag-isyu ng pekeng tseke.

Si Peng inaresto dahil sa kahilingan ng mga awtoridad ng China na nagsasangkot sa kanya sa mga kasong pagnanakaw at cybercrime.

Lumabas sa report na nakikipagsabwatan sa iba pang mga suspek si Peng sa pagha-hack ng mga computer ng mga biktima na nagresulta sa pagkawala ng mahigit 3 milyong renminbi RMB o $414,000.