DMW

DMW tumulong sa 1,067 bebot na OFWs

Jun I Legaspi Mar 17, 2025
12 Views

TINATAYANG 1,067 babaeng overseas Filipino workers (OFWs) ang nakatanggap ng tulong pangkabuhayan sa ilalim ng Balik Pinay, Balik Hanapbuhay (BPBH) Program ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ito ang pinakamalaking sabay-sabay na pamamahagi ng ayuda sa kasaysayan ng programa.

Pinangunahan nina Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at Budget Secretary Amenah F. Pangandaman ang distribusyon ng P10,000 na tulong pangkabuhayan sa bawat isa sa 128 OFWs sa National Capital Region (NCR), kasabay ng pamamahagi sa 939 pang OFWs mula sa 15 pang rehiyon.

“Marami tayong nagawa at marami pa tayong magagawa para sa kapakanan ng ating mga mahal na OFWs at kanilang pamilya,” pahayag ni Secretary Cacdac.

Aniya, hindi magiging posible ang tagumpay ng programa kung walang suporta mula kay Pangulong Marcos at sa Department of Budget and Management (DBM).

Binigyang-diin ni Budget Secretary Pangandaman ang suporta ng pamahalaan sa lahat ng kababaihang Pilipino sa pamamagitan ng “Women’s Budget” sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).

Ang batas na ito naglalaan ng 5% ng taunang badyet ng gobyerno para sa mga programang nakatuon sa kapakanan ng kababaihan. “Hindi lang po ito isang lip service.

Sa ating Bagong Pilipinas, walang lugar ang diskriminasyon,” ani Pangandaman.

Ang BPBH programa ng DMW at National Reintegration Center for OFWs (NRCO) na naglalayong bigyan ng pagsasanay, produksyon at suporta sa pangkabuhayan ang mga babaeng OFW na umuuwi sa bansa, lalo na ang mga dumaan sa matinding pagsubok sa ibang bansa.

Kabilang sa mga rehiyong may pinakamalaking bilang ng benepisyaryo ang Region XII (SOCCSKSARGEN), 185 OFWs, Region VI (Western Visayas) 160 OFWs, Region XI (Davao Region) 125 OFWS at Region III (Central Luzon) 107 OFWs.

Kasama rin ang iba pang rehiyon tulad ng Cagayan Valley, Bicol, CALABARZON, Eastern Visayas, Caraga, Ilocos, Northern Mindanao, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region at MIMAROPA.