Rep Magsino

Pinaigting na kampanya ng DSWD vs child trafficking susportado ni Magsino

Mar Rodriguez Mar 18, 2025
23 Views

SINUSUPORTAHAN ni OFW Party List. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang mas pinaigting na kampanya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sugpuin ang lumalaganap na child trafficking at iba pang mga krimen.

Ayon kay Magsino, suportado nito ang panibagong digital system at panuntunan ng DSWD para sa pagpapalabas o issuance ng travel permits para sa mga menor de edad bilang hakbang narin upang labanan ang lumalalang kaso ng child trafficking.

Paliwanag ng kongresista na ang hakbang ng DSWD ay isang pamamaraan para maproteksiyunan ang anak ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na maglalakbay patungo sa ibang bansa kung saan ang kasama lamang nila ay isang travel companion.

Dahil dito, sabi ni Magsino na sa ilalim ng bagong Minors Traveling Abroad (MTA) system, pinaigting ang proseso kung saan tanging mga magulang, legal guardians o travel companions na lamang ang maaaring mag-rehistro ng accounts para sa mga menor de edad.

Dagdag pa nito na isinama narin sa requirement ang mandatory video kung saan kailangan makita ang menor de edad na kasama ang magulang, legal guardian o isang travel companion para tiyakin na lehitimo ang pagbibiyahe ng nasabing menor de edad.

Kinilala ni Magsino ang inisyatiba ng DSWD bilang hakbang sa pagpapalakas sa proteksiyon sa buhay at karapatan ng mga kabataan mula sa banta ng human trafficking, child trafficking at iba pang uri ng pang-aabuso sa mga menor de edad.

“Naiintindihan natin ang nirepasong polisiya ng DSWD sa MTA system dahil nakikita natin ang patuloy na banta ng child trafficking at kailangan natin ng mas mataas na antas ng proteksiyon para sa ating kabataan laban sa krimeng ito,” sabi ni Magsino
Samantala, binisita ni Magsino ang bayan ng Teresa, Rizal para personal na alamin ang kalagayan ng mga OFWs kabilang na ang kanilang pamilya na naninirahan sa nasabing lalawigan.

Nakipag-kita din siya kay Vice Mayor Freddie Bonifacio upang magpa-abot ng kaniyang tulong para sa mga residente ng Teresa, Rizal sa pamamagitan ng livelihood assistance.

Sabi nito na ang ginagawa nitong paglilibot sa iba’t-ibang lalawigan ay para personal na alamin ang kalagayan o sitwasyon ng mga OFWs at kanilang pamilya bilang bahagi narin ng kaniyang programa.

To God be the Glory