Mendoza

Conviction ng 6 na fixer sa Cagayan pinuri ni Mendoza

Jun I Legaspi Mar 19, 2025
29 Views

PINURI ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang hatol na hanggang tatlong taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P5,000 sa bawat kaso para sa anim na fixer, batay sa desisyon ng dalawang magkahiwalay na korte sa lalawigan ng Cagayan.

Si Rufelyn Bayaca ay napatunayang guilty sa apat na kasong isinampa laban sa kanya sa isang korte sa Gataran, Cagayan, kabilang ang pamemeke ng pampublikong dokumento at paglabag sa Anti-Red Tape Law o Republic Act 9845.

Samantala, sina Mirasol Ramos, Elvira Donato, Elsie Ramos, Jesie Macapulay, at Jenno Bruar ay nahatulan din sa tatlong kasong kriminal na isinampa laban sa kanila ng isang korte sa Tuao, Cagayan, kaugnay ng mga ilegal na transaksyon sa LTO.

Sila ay naaresto sa pinaigting na anti-fixer operation na iniutos ni Asec Mendoza.

“Pinupuri ko ang lahat ng ating mga tauhan sa Cagayan sa kanilang pagsisikap laban sa mga fixer—mula sa pag-aresto hanggang sa paghatol sa kanila. Talagang tinutukan nila ang kasong ito at nagbunga naman ito ng conviction,” ani Asec Mendoza.

Binalaan din ni Asec Mendoza ang mga fixer na itigil na ang kanilang ilegal na gawain, dahil mas pinaigting na ang operasyon laban sa kanila sa tulong ng pulisya at iba pang ahensiyang nagpapatupad ng batas.

Sa katunayan, aniya, ilang empleyado ng LTO ang naaresto na o iniimbestigahan dahil sa pakikipagsabwatan sa mga fixer.

“Hayaan ninyong magsilbing babala ito sa lahat ng fixer na hindi kami titigil sa pagtugis sa inyo. Titiyakin namin na talagang magsisisi kayo sa maling gawain na pinasukan ninyo,” dagdag ni Asec Mendoza.

“Sa ating mga kababayan, wala na pong rason para tangkilikin ang mga taong ito dahil mabilis na ang transaksyon sa LTO. Huwag ninyong hayaan na ma-scam kayo ng mga taong ito,” aniya.