Calendar

Bag na may pera, gamit isinoli sa may-ari ng seckyu sa Laoag Airport
ISANG handbag na naglalaman ng salapi at mahahalagang gamit ang matagumpay na naibalik sa may-ari matapos itong maiwaglit sa Laoag International Airport nitong Marso 19, 2025, ayon sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ayon sa CAAP, ang bag ay natagpuan ng isang security guard na si Rhea Taysa sa loob ng paliparan.
Sa loob nito ay may ₱146,348 na salapi, kasama ang mahahalagang personal na dokumento gaya ng pasaporte, mga identification card, lisensya sa pagmamaneho, at iba pang mahahalagang gamit.
Agad na isinuko ni Taysa ang natagpuang bag sa Civil Aviation Authority of the Philippines Security and Intelligence Service (CSIS) para sa masusing beripikasyon at seguridad.
Ayon kay Ronald Estabillo, Area Center 1 Manager, tiniyak nilang ligtas at maayos na matutukoy ang tunay na may-ari bago ito ibalik.
Matapos ang masusing pagsusuri, natukoy ang may-ari ng bag – isang 79-anyos na babaeng U.S. national.
Lubos ang kanyang pasasalamat kay Lady Guard Taysa, sa CSIS team, at sa mga tauhan ng Laoag International Airport sa kanilang katapatan at dedikasyon sa kanilang tungkulin.
Samantala, pinuri rin ni CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul L. Del Rosario ang mga empleyado ng paliparan dahil sa kanilang ipinakitang integridad at propesyonalismo.
Ang kanila anyang ginawa ay isang patunay ng dedikasyon ng CAAP sa pagbibigay ng tapat at maayos na serbisyo publiko.
Patuloy na hinihikayat ng CAAP ang lahat ng kanilang kawani na panatilihin ang mataas na antas ng serbisyo at katapatan upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga paliparan ng bansa.