Manila

POM pinuri ng COA dahil sa  napakataas na koleksyon ng buwis

23 Views

PINAPURIHAN kamakailan ng Commission on Audit (COA) ang Port of Manila (POM) District ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa napakataas na revenue collection performance nito noong 2024.

Ayon sa Audit Observation Memorandum (AOM) ng COA na may petsang February 24, 2025, umabot sa 99.37 percent ang nakolektang buwis mula sa P84.813 billion tax collection target nito noong nakaraang taon.

Lumalabas din na mas mataas ang naging koleksyon ng buwis ng Port of Manila noong 2024 kumpara noong 2023 na nasa P72.764 billion lang.

Dagdag pa ng AOM report, malaking ambag ang mataas na koleksyon ng POM para sa pondo ng pamahalaan para maisakatuparan ang mga programa ng Marcos administration.

Ayon pa sa naturang report, “We commend the management for its high performance on revenue collection for CY 2024.”

Si Collector Alex Alviar ang hepe ng Port of Manila ng BOC.

Samantala, isang letter of appreciation naman ang natanggap ni Finance Sec. Ralph Recto mula sa ZTE Philippines, Inc. noong March 6, 2025.

Pinuri ng naturang kumpanya ang BOC, partikular na ang Port of Manila sa pamumuno ni Coll. Alex Alviar dahil sa mabilis na pag-apruba ng mga customs clearance para hindi maantala ang kanilang proyekto kasama ang Caloocan Data Center.

Ayon kay Jin Zhichao, managing director ng ZTE Philippines, “Your kind support, professionalism, and cooperation have not only driven the success of the aforementioned project but have also left a meaningful difference to our internal organization.”