Yang

PNP ipinahayag matagumpay na cybercrime operations

Alfred Dalizon Apr 23, 2025
21 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy ang pinaigting na aksyon ng Philippine National Police sa paglaban sa mga cybercrimes sa buong bansa.

Sa pamamagitan ng PNP Anti-Cybercrime Group, nakapagtala ang PNP ng operational accomplishments mula Abril 11 hanggang 17, 2025—isang patunay sa seryosong hangarin ng gobyerno na tiyaking ligtas ang publiko sa digital space.

Sa loob ng isang linggo, umabot sa 45 ang naaresto ng PNP-ACG sa ilalim ni Brigadier General Bernard R. Yang—32 sa entrapment operations at 13 na mga wanted persons na sangkot sa iba’t ibang cybercrime offenses. Bukod pa rito, may 8 biktima, kabilang ang mga menor de edad, ang nailigtas mula sa mga kaso ng online exploitation at abuse.

Nakapagsampa rin ang grupo ng 26 kaso: 8 sa pamamagitan ng regular filing at 18 sa pamamagitan ng inquest proceedings. Kasama rin dito ang pag-serve ng 13 warrants to disclose computer data, bilang bahagi ng paggamit ng legal na paraan para labanan ang cybercrime. Sa parehong linggo, nagsagawa rin sila ng 313 cyber patrolling operations at 13 digital forensic examinations—pruweba ng mas pinatibay na cyber monitoring.

Pinuri ni PNP chief, Gen. Rommel Francisco D. Marbil, ang tuluy-tuloy at epektibong performance ng ACG, lalo na sa usapin ng pagtibay ng tiwala ng publiko sa kapulisan sa panahon ng digital age.

“Ang cybercrime ay patuloy na banta, lalo na sa mga mahihina at kabataan. Ipinapakita ng mga accomplishments na ito na seryoso at maayos ang kilos ng PNP para protektahan ang mga Pilipino online. Gaya ng sabi ng Pangulo, kailangang patuloy nating pinatutunayan ang tiwala ng publiko—at ito ang malinaw na mensahe ng ating mga operasyon,” ani ng Hepe ng Pambansang Pulisya.

Ngayong tag-init, habang abala ang marami sa pagpaplano ng bakasyon, nagbabala rin ang PNP laban sa mga online scammers na nag-aalok ng travel o tour packages na “too good to be true.” Karaniwan itong nakikita sa social media—mura nga pero peke, at nawawala na lang matapos makuha ang bayad.

“Paalala sa publiko: siguraduhing legit ang ka-transaksyon. I-check muna ang travel agency o booking site bago magbayad. Sa mga manloloko ngayong summer na ang target ay mga kababayan nating gusto lang magbakasyon—mag-ingat na kayo. Minomonitor kayo ng PNP. Wala kayong ligtas sa cyberspace,” sinabi ni Gen. Marbil.

Patuloy ang panawagan ng PNP sa publiko na maging mapagmatyag at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad online.

Maaari kayong makipag-ugnayan sa mga official hotlines at verified social media pages ng ACG, ayon sa PNP chief.