Calendar

Kelot dinampot sa pagtutok ng baril sa nakaaway sa Caloocan
DINAKMA ng pulisya ang lalaking nanutok ng baril sa kanyang nakaalitan Martes ng gabi sa Caloocan City.
Sa ulat na tinanggap ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGEN. Josefino Ligan, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 12 sa Brgy. 176-A, Bagong Silang nang hingan sila ng tulong ng biktima dakong alas-6:50 ng gabi.
Sinabi sa pulisya ng biktima na tinutukan siya ng baril ng suspek nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo sa hindi pa batid na dahilan.
Kaagad na pinuntahan ng mga pulis ang lugar at inabutan pa nila ang suspek na si alyas “Johnny” na nagwawala at may sugat pa sa ulo. Nang kapkapan, nakumpiska sa kanya ang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Hindi naman inalam ng pulisya kung paano nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong Grave Threat, paglabag sa R.A. 10591 Illegal Possession of Firearm), at Batas Pambansa Blg. 881 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.