Calendar
Walang term sharing o hatian para sa sa Senate Presidency
ITO ang tiniyak kahapon ni Senator Cynthia Villar na nagsabing hindi na umano siya intresado para sa pinakamataas na posisyon sa Senado.
Napabalitang una na si Villar ay makikipaglaban sa pagka-pangulo ng Senado kay Sen. Juan Miguel Zubiri gayundin kay incoming Sen. Francis Chiz Escudero.
Bagkus ay tahasang inamin nito na ibibigay na lamang niya ang suporta para kay Zubiri na napapabalitang lamang sa numero sa pagka pangulo.
Bago nito ay napabalitang ipinatawag na si Zubiri kasama si Congressman Martin Romualdez na napabalitang may numero din sa House Speakership, upang ibigay ang mga prioridad nila susunod na 19th Congress.
Tiniyak naman ni Zubiri na gagawin niya ang lahat bilang halal ng taong bayan upang ibigay ang tamang paglilingkod sa mga nagtiwala sa kanyang kakayahan.
Sinasabing ilan sa mga senador ang tahasan ng nagpakita ng kanilang suporta kay Zubiri sa pagsama dito sa nasabing pagtitipon na ipinatawag ni President Elect Ferdinand Bongbong Marcos jr.
Ilan sa mga senador na ayaw magpabanggit ng pangalan ay kumpiyansa naman na si Zubiri na ang susunod na Pangulo ng Senado dahil na rin sa suporta ng karamihan sa kanila.
Ayon naman kay incoming Senator Alan Peter Cayetano, marami umanong pwedeng mangyari hanggat hindi pa tahasang nagkakaroon ng botohan para sa pagka pangulo ng Senado.
Sinabi ni Cayetano na normal lamang na umupo ang sinuman may numero sa 24 senators na magluluklok dito sa pinakamataas na posisyon sa Senado.
Aniya, wala pang makapagsasabi sa kanila kung sino ang magiging mayorya o minorya at ito aniya ay depende sa kalalabasan ng mga botohan sa mga susunod pang araw.