Tiangco

Navotas Fun Run gaganapin sa Agosto 24,2025

Edd Reyes May 23, 2025
47 Views

INILUNSAD na ng Navotas City Tourism Office, sa tulong ng Backpack Runners, ang NAVORUN 2025, na isang fundraising fun run na gaganapin sa Agosto 24, 2025,

Ito na ang ikalawang taong pagdaraos ng NAVORUN na layong pahalagahan ang Navotas, hindi lamang bilang Commercial Fishing Hub ng Pilipinas, kundi isa ring destinasyon para sa sports tourism.

Nagpahayag naman ng buong suporta si Mayor John Rey Tiangco sa naturang inisyatiba na aniya ay isang mahusay na paraan upang maging aktibo ang mga lalahok, maging mga datihan ng mananakbo o mga baguhan na magalugad ang Navotas.

Dalawang kategorya ang pagpipilian ng mga lalahok, isa rito ay para sa 16 na kilometro sa halagang P1,200 at P1,000 naman para sa walong kilometro. Lahat ng kalahok ay may libreng race big t-shirt, medalya, bag, at raffle stub.

Magiging benepisyaryo naman ng fun run ang Navotas Drum and Bugle Corps, isang grupo ng mga kabataang may talento sa musika, na kumakatawan sa lungsod sa mga kompetisyon at iba pang kaganapan.

Sa mga interesadong lalahok, mangyari lamang na makipag-ugnayan sa Navotas City Tourism Office dahil magsisimula ang rehistrasyon sa Hulyo 18, 2025.