OFW

OFW Party List nananawagan sa pamahalaan vs illegal recruitment, human trafficking

Mar Rodriguez Jun 7, 2025
18 Views

KASABAY ng pagdiriwang ngayong araw ng mga migranteng manggagawa, nananawagan si OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino sa pamahalaan para sa pagpapaigting at pagpapalakas ng kampanya nito laban sa illegal recruitment at human trafficking.

Muling binigyang diin ni Magsino ang pangangailangang palakasin ang mga interbensiyon ng pamahalaan upang tugunan ang patuloy na suliraning kinakaharap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) patikular na sa panahon na nanumbalik na ang kasagsagan ng global migration.

Sabi ni Magsino na ang isa sa mapait at masaklap na reyalidad na kinakaharap ng mga OFWs ay ang banta ng human trafficking at illegal recruitment, iba’t-ibang uri ng pang-aabuso, delayed repatriation at ang problema sa reintegration pagbalik nila ng Pilipinas.

“Isang malungkot na katotohanan na kinakaharap ng ating mga OFWs ay ang banta ng human trafficking ay illegal recuritment. Kasama na dito ang mga pang-aabuso, delayed repatriation at problema sa reintegration pagbalik nila sa ating bansa,” sabi nito.

Gayuman, inihayag ng kongresista na may mga positibong hakbang naman mula sa pamahalaan para puksain ang problema ng human trafficking at illegal recruitment tulad ng pagpapatibay sa mga bilateral agreements, pagpapalawak ng welfare services ng Department of Migrant Workers (DMW) at pagtutok sa skills upgrading.

Ayon kay Magsino, bilang Chairperson ng Anti-Trafficking OFW Movement at Observer sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), muli nitong iginigiit ang kahalagahan ng kanilang isinulong na panukalang batas (House Bill No. 7865) na naglalayong pagsamahin sa isang komprehensibong batas ang mga probisyon laban sa illegal recruitment at human trafficking.

Pagbibigay diin pa ng mambabatas na ito ay sa pamamagitan ng pagpapataas ng parusa at pagpapalakas sa koordinasyon sa mga dayuhang counterpart laban sa mga sindilato.

“Nitong nakaraang buwan, ilang OFWs ang humingi ng tulong at saklolo sa atin dahil sila’y nabiktima sa area na tinatawag na Golden Triangle. Pinangakuan ng trabaho bilang call center pero napunta sa mga nagpapatakbo ng mga scam operations. Gutom at bugbog ang sumalubong sa kanila bawat araw. Mabuti na lang sila ay napauwi pabalik ng Pilipinas kasama ang mga taga DFA at DMW,” dagdag pa ni Magsino.