DMW

DMW, BOC magtutulungan mapadala balikbayan boxes

Jun I Legaspi Jun 9, 2025
16 Views

NILAGDAAN ng Department of Migrant Workers (DMW) at Bureau of Customs (BOC) ang Joint Administrative Order (JAO) on Balikbayan Boxes sa tanggapan ng DMW.

Ang hakbang ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mabilis at maayos na tulong para sa mga OFW.

Ang JAO ay naglalayong tugunan ang malawakang reklamo ng OFWs tungkol sa mga naantala, nawala o hindi naihatid na balikbayan boxes.

Ang mga isyung ito ay tinutukan ng House Committee on Overseas Workers Affairs (HCOWA), sa pangunguna ni Congressman Jude Acidre, na noong Marso 2025 nag-utos sa mga ahensya ng gobyerno na bumuo ng isang pinagsama-samang solusyon upang mapabilis ang paghahatid at maiwasan ang pandaraya sa pagpapadala.

Bilang tugon, pinangunahan ng DMW at BOC ang Technical Working Group na bumuo ng JAO, katuwang ang Department of Finance (DOF), Fair Trade Enforcement Bureau ng Department of Trade and Industry (DTI) Department of Transportation (DOTr) Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippine Ports Authority (PPA).

Ayon kay Secretary Hans Leo J. Cacdac, “Ang JAO na ito ay bunga ng matibay na pagtutulungan at epektibong pangangasiwa ng lehislatura.

Pinapasalamatan namin si Congressman Acidre at HCOWA sa pagsulong ng hakbang na ito, pati na rin ang ating mga katuwang sa Bureau of Customs na nagpatuloy sa teknikal na proseso mula simula hanggang matapos.”

Ang JAO ay nagtatakda ng isang sistemang pang-gobyerno upang I-regulate ang industriya ng pagpapadala ng balikbayan boxes sa pamamagitan ng dagat, protektahan ang mga OFW mula sa panloloko at tiyakin ang mabilis at ligtas na paghahatid ng kanilang mga padala.

Mula noong 2023, nakatulong ang DMW at BOC sa retrieval at delivery ng mahigit 9,900 balikbayan boxes.

Kamakailan lang, 2,500 karagdagang kahon ang natanggap sa Port of Davao at kasalukuyang inihahanda para sa libreng paghahatid sa mga lehitimong tatanggap sa Mindanao.

Para sa hindi pa natatagpuang kahon, naglaan ang DMW ng P30,000 bilang tulong pinansyal sa bawat apektadong OFW sa ilalim ng AKSYON Fund.

Sa seremonya, ginawaran si Congressman Acidre ng isang plaque of appreciation para sa kanyang mahalagang papel sa pagsasagawa ng House inquiry at pagbuo ng direktiba na nagresulta sa JAO.

Kinilala rin sina Congresswoman Marissa “Del Mar” Magsino at ang OFW Partylist sa patuloy nilang pagsuporta sa mga karapatan ng OFWs.