Acidre Dumalo si Chairperson ng House Committee on Overseas Workers Affairs at TINGOG Party-list Representative Jude Acidre kasama ang ilang pangunahing opisyal ng pamahalaan sa isinagawang ceremonial signing ng Joint Administrative Order para sa Balikbayan Boxes na ginanap sa tanggapan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Mandaluyong City. Nasa larawan sina (mula kaliwa) OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, Department of Finance Undersecretary Charlito Martin Mendoza, TINGOG Party-list Representative Jude Acidre, DMW Secretary Hans Leo Cacdac, DTI Fair Trade Enforcement Bureau Director Atty. Regino Mallari Jr., at Bureau of Customs Deputy Commissioner Atty. Vener Baquiran. Larawan mula sa TINGOG Party-list.

Joint Administrative Order kaugnay ng Balikbayan Boxes tagumpay para sa bawat pamilyang OFW — Acidre

19 Views

KINILALA ni Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang Department of Migrant Workers (DMW) sa ginanap na flag raising ceremony noong Lunes sa DMW Central Office in Mandaluyong City.

Tampok sa okasyong ito ang pormal na paglagda sa makasaysayang Joint Administrative Order (JAO) para sa Balikbayan Boxes na magkatuwang na ipinatupad ng Department of Finance, Department of Trade and Industry, Department of Transportation, Department of Migrant Workers, Bureau of Customs, Fair Trade Enforcement Bureau, at Philippine Ports Authority.

“Today, we will witness the signing of a Joint Administrative Order that will fix long-standing regulatory issues and restore the dignity of a tradition that means so much to Filipino families,” ayon kay Acidre.

Ang JAO ay naglalayong palakasin ang regulasyon sa mga sea cargo freight forwarders na nangangasiwa ng balikbayan boxes. Layunin nitong pag-isahin ang mga pambansang polisiya, tukuyin ang mga lehitimong freight operators mula sa mga mapanlinlang, at tiyaking ligtas, maayos, at mabilia na naipapadala ang mga kahon sa kanilang mga padadalhan.

Pinangunahan ni Acidre ang inisyatiba, makaraan na ring makatanggap ng sunod-sunod na reklamo mula sa mga OFW kaugnay sa pagkakaantala, dagdag bayad, at mga nawawalang balikbayan boxes, at binigyan diin na: “Behind every remittance is a longing. Behind every tear is a strength the world doesn’t always recognize.”

Sa kanyang pagbabalik-tanaw sa 13 buwang panunungkulan bilang pinuno ng Komite, ibinahagi ni Acidre na ang kanyang trabaho ay hindi lamang batay sa paggawa ng batas, kundi sa pakikinig sa tunay na karanasan ng mga overseas Filipinos.

“This has been one of the most meaningful and rewarding roles I’ve ever been entrusted with in Congress,” ayon sa mensahe ni Acidre.

Sa panahong iyon, inilatag ng mambabatas ang walong pangunahing layunin katuwang ang DMW:

1. Isang pinagsanib na reporma sa reintegration policy – na bunga ng mungkahing Bagong Balikbayan Act, para sa komprehensibong suporta sa pagbabalik ng mga OFW.

2. Micro-credentialing para sa mga OFW – para kilalanin ang mga kasanayang nakuha sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga mekanismong tulad ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP).

3. Pagsasama ng distance learning – katuwang ang mga institusyong pang-edukasyon gaya ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), upang makapagpatuloy ng pag-aaral ang mga OFW habang nasa ibang bansa.

4. Paglaban sa ambulance chasing – sa pamamagitan ng Magna Carta of Filipino Seafarers na nagbibigay ng matibay na proteksyon sa mga marinong Pilipino.

5. Pagbuo ng OFW pension system – kasama ang Social Security System, para sa pangmatagalang financial security ng mga OFW.

6. Pagtatatag ng OFW Global Center sa Hong Kong – ang kauna-unahang pasilidad na nagbibigay ng legal aid, healthcare, at psychosocial services sa mga OFW.

7. Digital one-stop shop para sa mga serbisyo ng gobyerno – upang maging mas madali ang pag-access ng tulong at benepisyo sa pamamagitan ng mga mobile platform.

8. Rehabilitasyon ng National Maritime Polytechnic – may nakalaang pondo sa 2025 budget para sa modernisasyon ng pasilidad at pagsasanay sa maritime industry.

Binanggit din ni Acidre ang mga mahahalagang tagumpay sa lehislatura sa ilalim ng kanyang pamumuno sa komite: Ito ang:

– The Magna Carta of Filipino Seafarers, na ngayon ay naisabatas, upang tiyakin ang proteksyon at makatarungang kontrata para sa mga seafarers.

– The OFW Remittance Protection Act, na nagbibigay ng diskuwento sa remittance fees upang makatipid ang mga OFW para sa kanilang pamilya.

– The Financial Literacy for OFWs Act, na naglalayong turuan ang mga OFW at kanilang pamilya sa tamang pamamahala ng kita, matalinong pag-iinvest, at pag-iwas sa mga manloloko.

– The Bagong Balikbayan Act, na ginagawang pambansang polisiya ang mga programa sa reintegration.

Nagpasalamat naman si Acidre kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pagtitiwala na pangunahan ang komite, at kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa suporta at pakikipagtulungan.

“This isn’t just my legislative work. This is now my personal commitment,” giit pa ni Acidre.

“Because at the heart of every policy, every law, every reform—we must remember that our OFWs are not just workers. They are people. They are family.”