PWD Source: DOTr

PWD kinuyog sa loob ng bus, operator ng PGT pinagpaliwanag

29 Views

IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng Precious Grace Transport (PGT) upang magpaliwanag kaugnay ng insidente ng pananakit sa isang person with disability (PWD) na ginawa umano ng isang konduktor at ilang pasahero ng kanilang bus.

Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, ang insidente ay naitala sa video at kumalat sa social media matapos mangyari sa loob ng isa sa mga bus ng PGT na bumibiyahe sa EDSA Bus Carousel.

Sa paunang imbestigasyon ng Surveillance and Action Information Coordinating Team (SAICT) ng Department of Transportation (DOTr), ang bus ay may plakang NDQ 2615, minamaneho ni Mark Ivan Ramos, at may konduktor na kinilalang si Francis Sauro.

Dagdag pa ni Guadiz, maglalabas ng show cause order (SCO) laban sa PGT alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga pasaherong kabilang sa vulnerable sector at papanagutin ang mga operator ng pampublikong sasakyan sa anumang kapabayaan.

“Hindi natin palalagpasin ang anumang uri ng karahasan, diskriminasyon, o pang-aabuso, lalo na sa mga taong may kapansanan. Tungkulin ng mga operator na tiyakin ang kaligtasan at dignidad ng lahat ng pasahero,” ani Guadiz.

Bilang karagdagang parusa, sinuspinde ng LTFRB sa loob ng 30 araw ang sampung (10) yunit ng bus ng kumpanya na bumibiyahe sa EDSA Bus Carousel.

Ayon pa sa LTFRB, nakikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng bus company katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), SAICT, at ang Coast Guard-Investigation and Detection Management Service (CG-IDMS) upang masiguro ang kooperasyon ng mga sangkot na tauhan.

Patuloy ang imbestigasyon upang makakalap ng testimonya at beripikahin ang video.

Tiniyak ni Guadiz na agad at angkop na parusa ang ipapataw laban sa sinumang mapapatunayang lumabag.

Paalala rin ng LTFRB sa lahat ng operator at pasahero: “Ang anumang paglabag sa karapatan ng mga pasahero, lalo na ng mga kabilang sa mga pinaka-nanganganib, ay may kaakibat na seryosong parusa. Patuloy na isinusulong ng administrasyon ang isang ligtas, may dignidad, at inklusibong pampublikong transportasyon para sa lahat.”
PNA