Torre Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at PNP Chief Gen. Nicolas Torre III

Marcos sa PNP: Makipagtulungan sa CHR, protektahan ang karapatang pantao

21 Views

MALACAÑANG – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na makipagtulungan sa Commission on Human Rights (CHR) upang tiyakin ang makatao at makatarungang pagpapatupad ng batas, gayundin ang pangangalaga sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino.

Sa isang pagpupulong sa Malacañang noong Lunes, nakipagkita si Marcos kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III upang talakayin ang malawakang operasyon ng kapulisan at mga pangunahing inisyatiba para sa kaligtasan ng publiko.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng makataong pagpapatupad ng batas.

“Nais din po ng Pangulo na makipag-collaborate ang PNP sa Commission on Human Rights para din po maproteksyunan ang human rights, ang karapatan ng mamamayang Pilipino,” ani Castro sa press briefing nitong Martes.

Kabilang sa mga napag-usapan ng Pangulo at ni Torre ay ang 5-minute response time strategy, Oplan Balik Eskwela 2025–2026, anti-illegal drug campaign strategy, at training program para sa mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ) at mga tagapagpatupad ng batas.

Binigyang-diin din ni Castro na bagama’t kailangang kumilos agad ang PNP upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko, kailangang gawin ito nang hindi lumalabag sa karapatang pantao.

“Ang awtoridad na ibinigay at kapangyarihan ng mga kapulisan, hindi dapat abusuhin kundi dapat bigyang-halaga ang human rights,” aniya.

Ilan sa mga bagong kautusan na agad ipinatupad ay ang pinalawak na presensya ng pulis sa mga komunidad, mas mabilis na tugon sa pamamagitan ng 911 emergency hotline, at mas pinaigting na seguridad sa mga paaralan.

Higit 37,000 pulis ang itinalaga sa buong bansa para sa pagbubukas ng klase, at mahigit 5,000 police assistance desks ang itinayo malapit sa mga eskwelahan.

Personal ding ininspeksyon ni Torre ang ilang paaralan upang tiyakin ang sapat na police coverage. Kasabay nito, nagbabala ang PNP sa mga drug dealer at grupong militante na huwag balaking targetin ang mga estudyante.

“Huwag nilang subukan,” babala ni Torre. Philippine News Agency