Calendar
Larawan mula sa LTFRB/FB
Taxi driver na nagtapon ng basura sa kalsada ipinatawag ng LTFRB
IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taxi operator na nag-viral ang video ng drayber na nagtatapon ng basura sa gitna ng kalye.
Inisyuhan ng show cause order (SCO) ng LTFRB ang operator na Green and Smart Mobility Philippines Inc. matapos umani ng samu’t saring reaksyon ang video mula sa mga netizen.
Ayon kay acting LTFRB Chairman Greg Pua Jr., maaaring managot ang mga operator na nagpapasada ng mga drayber na walang wastong paggalang at disiplina sa kalsada, gaya ng ipinakita sa viral video.
“Hindi lamang ito patungkol sa pagsunod sa mga umiiral na ordinansa laban sa pagtatapon ng basura, kundi maging sa responsibilidad ng bawat drayber na magpakita ng wastong asal at disiplina sa kalsada sa lahat ng pagkakataon,” sabi ni Pua.
Sa video, makikita ang drayber ng taxi (NIZ 4758) na nagtatapon ng basura sa kalye habang nakatigil sa gitna ng kalsada sa Metro Manila.
Base sa SCO, ipinagsusumite ng LTFRB ang operator ng written explanation kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang prangkisa kaugnay ng ipinakitang asal ng drayber sa viral video.
Gayundin, inatasan ng LTFRB na magpaliwanag ang mismong drayber at pinayuhang sumailalim sa isang road seminar.
“Roads are not trash sites. Bilang responsableng operator at car owners, dapat ay mayroong kahit na maliit na lagayan ng basura sa loob ng sasakyan,” saad ni Pua.
Nakatakdang ganapin ang hearing sa Oktubre 21.
Pinaalalahanan ni Pua ang mga operator ng mga pampublikong sasakyan na tiyaking sumusunod sa mga umiiral na batas at regulasyon ang kanilang mga drayber.

