Calendar
Bagong PNHS-SHS itatayo sa pagtutulungan ng NHA, DepEd, Munti
PUMIRMA ang National Housing Authority (NHA), Department of Education (DepEd)-Muntinlupa at Muntinlupa sa usufruct agreement para sa itatayong Poblacion National High School-Senior High School (PNHS-SHS).
Sa ilalim ng direktiba at pangangasiwa ni NHA General Manager Joeben Tai, lumagda si NCR-South Sector OIC Engr. Celeste Basilisa ng pormal na usufruct agreement, kasama sina Muntinlupa Schools Division Superintendent Dr. Violeta Gonzales, City Mayor Ruffy Biazon at Muntinlupa Rep. Jaime Fresnedi.
Sa ilalim ng kasunduan, ang NHA ay nagbibigay-pahintulot sa paggamit ng humigit-kumulang 3,196 metro kwadrado ng lupa para sa itatayong paaralan sa loob ng Southville 3, Barangay Poblacion, Muntinlupa City.
Ang Southville 3 ay isang socialized housing at residential community na pinamamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa NHA.
“Bukod po sa pagbuo ng mga pabahay, isa rin po sa suportado ng NHA ang patuloy na paghahatid ng de-kalidad na edukasyon para sa ating mga mag-aaral dito sa Muntinlupa,” ani Basilisa, na nagsalita sa ngalan ni Tai.
Ang NHA, na isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development, ay patuloy na nakikipagtulungan sa iba-ibang ahensiya ng gobyerno sa paglikha ng mas maraming pagkakataon at pagbuo ng mas magandang kinabukasan para sa mga komunidad.

