Calendar

Lola dedo sa hit-and-run, anak, rider sugatan sa Valenzuela
PATAY ang 63-anyos na kawani ng pamahalaan habang sugatan ang kanyang anak at isa pang rider sa naganap na aksidente sa lansangan Martes ng umaga sa Valenzuela City.
Dead-on-arrival sa Valenzuela Emergency Hospital ang biktinang si Luzviminda Libatique, residente ng Northville 2, Brgy. Bignay, habang nilapatan naman ng lunas sa naturang pagamutan ang kanyang anak na nagmamaneho ng sinakyang motorsiklo, pati na ng nakabanggaan nilang rider.
Arestado naman sa follow-up operation sa Brgy. Bignay dakong alas-4:30 ng hapon ng mga tauhan ni Valenzuela Police Officer-in-Charge P/Col. Gerson Bisayas ang 42-anyos na babaing guro sa pampublikong paaralan na si alyas “Irene” matapos tumakas makaraan ang aksidente.
Sa ulat ni Valenzuela Public Information Office (PIO) chief P/Maj. Randy Llanderal, tinatahak ng motorsiklong sinasakyan ng mag-ina ang Narciso St. Brgy. Canumay East patungong Paso De Blas dakong alas-6:30 ng umaga nang masagi sila ng nag-overtake na Toyota Rush sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng guro.
Bunga nito, nawalan ng kontrol sa manibela ang anak ng nasawi kaya’t nabangga nila ang kasalubong na isa pang motorsiklo na dahilan upang tumilapon ang mga biktima habang tumakas naman kaagad ang SUV na minamaneho ng guro.
Kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property ang inihahanda ng pulisya laban sa pampublikong guro sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.