San Juanico Bridge

House spox bumanat kay Imee ukol sa ‘pintas’ sa San Juanico Bridge rehab

19 Views

HINAMON ng tagapagsalita ng Kamara si Sen. Imee Marcos na ilahad sa publiko kung ano ang kanyang naging ambag sa pangangalaga ng San Juanico Bridge, matapos sabihin na ang inilaang pondo upang mapanatili ang kaayusan ng tulay ay “pang-pintura lang.”

Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante, batay sa rekord ay tuloy-tuloy ang pondong inilaan para sa maintenance at rehabilitasyon ng tulay mula pa noong 2018, o bago pa man maging lider ng Kamara si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Si Speaker Romualdez ang kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte, kung saan naroon ang San Juanico Bridge.

“Well, ito public records naman ‘yung mga budget allocated for the San Juanico Bridge,” ani Abante sa isang press conference.

“Since 2018 pa, even the time na bago pa naging Speaker si Speaker Martin G. Romualdez and bilang isang taga-Tacloban, as the representative for that region, talagang part of his advocacy to ensure na may akmang mga pondo para sa mga programa at proyekto sa kanyang pinaglilingkuran,” giit ni Abante.

Sinabi ni Abante na hindi napabayaan ang pondo para sa iconic na tulay at tuloy-tuloy ang mga hakbang sa rehabilitasyon sa ilalim ng pamumuno ng Speaker at ng mga lokal na opisyal.

“Makikita natin na tuloy-tuloy naman ang naging budget allocation para sa San Juanico Bridge for its maintenance, rehabilitation,” ayon pa kay Abante.

Kasunod nito, ibinalik ni Abante ang tanong sa senadora.

“Siguro si Sen. Imee, since she is very much concerned, kailangan din natin tanungin ano ang naging ambag niya bilang senador—na kasama naman sa tungkulin niya ang pag-ayos ng budget ng bansa—do’n sa pangangalaga ng San Juanico Bridge,” dagdag pa niya.

Kinuwestiyon ni Senadora Marcos ang laki ng pondo ng pambansang pamahalaan para sa San Juanico Bridge, sa pagsasabing tila “pang-pintura lang” ito.

Umani ng batikos mula sa mga opisyal at stakeholders sa Eastern Visayas ang pahayag ng senadora, na iginiit na may mga pangmatagalang proyekto para sa imprastruktura na isinasagawa na.

Kamakailan ay idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang state of calamity sa San Juanico Bridge matapos lumabas ang mga alalahanin sa integridad ng estruktura dulot ng pinsalang tinamo sa pananalasa ng mga bagyo.

Dahil sa deklarasyong ito, mabilis na naipakilos ang mga pondo at suporta mula sa pambansa at lokal na pamahalaan para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng tulay, na lalong nagpapakita ng kahalagahan nito sa konektibidad at disaster resilience ng rehiyon.

Ang San Juanico Bridge, na may habang 2.16 kilometro at nag-uugnay sa Samar at Leyte, ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas at isang mahalagang daluyan ng ekonomiya sa Eastern Visayas.

Kabilang sa mga ginawang rehabilitasyon sa mga nakalipas na taon ang pagpapatibay ng estruktura, pagpapaganda ng road surface, at mga estetikal na pagpapabuti upang mas mapalakas ang kaligtasan at turismo.