AI

Kamara ikinabahala pag-report ni Sen. Bato ng AI-generated content sa pagtatanggol kay VP Sara

20 Views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Kamara de Representantes sa iresponsableng pagbabahagi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ng isang AI-generated content, maipagtanggol lamang si Vice President Sara Duterte laban sa impeachment case.

Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante, ang naging hakbang ni Dela Rosa na magbahagi ng content na gawa ng artificial intelligence (AI) na kumukuwestiyon sa legalidad ng impeachment proceedings ay hindi lang mapanlinlang ngunit maituturing na pang-aabuso sa kanyang plataporma bilang isang opisyal ng gobyerno.

“Bilang mga opisyal po ng bayan, may tungkulin tayong lahat na magtaguyod ng katotohanan. Nakakalungkot ‘pag public official pa ang gumagawa nito, dahil nasa posisyon ang isang public official para ma-steer ang public sentiments, ang pananaw ng tao, at bilang ehemplo din sa mamamayan,” ani Abante sa isang press conference.

Binigyang-diin niya na hindi dapat nagpapakalat ng maling impormasyon ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na kung may kinalaman ito sa mga sensitibong demokratikong proseso.

“Hindi lang ito iresponsable kundi delikado para sa mga opisyal ng bayan na nagpo-propagate at hinahayaan ang mga fake news at disinformation na lumalaganap,” dagdag pa niya.

Ang pahayag ni Abante ay tugon sa tanong ukol sa social media post ni Dela Rosa na naglalaman ng AI-manipulated content na naglalayong siraan ang proseso ng impeachment at ang House prosecution panel.

Nauna nang tinawag ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ang insidente bilang “worrisome,” habang sinabi naman ni House prosecution panel spokesperson Atty. Antonio Audie Bucoy na ang senador ay nagpapakalat ng kasinungalingan.

Tinukoy pa ni Abante ang mga natuklasan at rekomendasyon ng House tri-committee sa fake news at disinformation sa ilalim ng 19th Congress, kung saan nanawagan ito ng agarang pagsasabatas para i-regulate ang AI-generated content at labanan ang lumalalang banta ng digital na panlilinlang.

Umaasa siyang bibigyang prayoridad ng ika-20 Kongreso ang pagpasa ng batas laban sa fake news.

“Hindi lang mga public officials ang apektado ng fake news. Regular na mamamayan din. Marami na tayong nakita na naapektuhan ang kanilang buhay, mental health, emotional well-being, at maging ang kanilang kaligtasan dahil sa disinformation,” aniya.

Binigyang-diin ni Abante na ang mga lingkod-bayan ay dapat nangunguna sa pagpapalaganap ng katotohanan at tamang impormasyon, at binalaan na ang epekto ng fake news ay hindi lang limitado sa social media kundi may tunay na epekto sa realidad.

“Sabi nga, the truth shall set us free—not AI, not fake news,” dagdag niya.

Nang tanungin kung dapat bang patawan ng mas mabigat na parusa ang mga opisyal na sadyang nagpapakalat ng disinformation, sinabi ni Abante na ang desisyong iyon ay nakasalalay sa mga miyembro ng 20th Congress.

Gayunpaman, iginiit niyang mas mataas ang inaasahang pamantayan sa mga opisyal na pinagkakatiwalaan ng publiko.

“As public officials, we all have a greater responsibility to advance truth and avoid disinformation,” aniya.

“Kung ano ang magiging penalties, it’s really up to the members of the 20th Congress to initiate legislation and determine the right sanctions for those who, in bad faith, use fake news and AI-generated content to attack institutions and processes,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, itinulak ng Kamara ang pamahalaang nakabatay sa katotohanan at responsableng diskurso, lalo na ngayong umiinit ang usapin kaugnay ng impeachment case laban kay VP Duterte.