Atty. Bucoy

Ito ay para sa bayan -Atty. Bucoy

Mar Rodriguez Jun 18, 2025
29 Views

Atty. BucoyITO ay para sa ating bayan at hindi dahil sa bayad”.

Ito ang naging paglilinaw ng itinalagang spokesperson ng House Prosecution team na si Atty. Antonio Audie Z. Bucoy matapos itong tanungin kung ang pagiging tagapag-salita nito para sa napipitong impeachment trial ay mayroong katumbas na kabayaran.

Binigyang diin ni Atty. Bucoy na hindi nito kinakailangan ng bayan o kabayaran para sa kaniyang serbisyo sapagkat ginagawa lamang um,ano nito ang kaniyang tungkulin na pagsilbihan ang bayan sa pamamagitan ng pagtulong sa House Prosecution panel.

“Wala po akong bayad. Gaya po ng sinabi ko, ako po ay pinaki-usapan kung maaaring tumulong. Hindi ko po kinakailangan ng bayad para po sa bayan ito. Hindi po ito bayad, kundi bayan,” sabi ni Atty. Bucoy.

Ipinaliwanag din ni Bucoy na ang nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ay usapin ng “moral accountability” at hindi lamang aniya isang simpleng isyu ng pananagutan kundi isang natatanging proseso na masasaksihan ng taong bayan.

Ayon sa kaniya, maituturing na natatangi ang impeachment process ay dahil sa kauna-unang pagkakataon. Isinakdal ang pangalawang pinaka-mataas na pinuno ng bansa bunsod ng ginawa nitong pagbabanta sa buhay ng Pangulo, Unang Ginang at Speaker of the House.

“Ito po ay hindi pangkaraniwang usapin ng pananagutan. Ito po ay moral na usapin ng pananagutan, ito po ay kaakibat sa natatanging proseso na hinaharap ng sambayanan. Ito po ay ang impeachment ng ating Pangalawang Pangulo, bakit ito natatangi? Sa kauna-unahang pagkakataon. Sinakdal ang pangalawang pinaka-mataas na pinuno ng ating bansa dahil sa kaniyang mga pagbabanta,” wika pa nito.

Idinagdag pa ni Bucoy na ang impeachment trial laban kay VP Sara Duterte ay natatangi din sapagkat sa kauna-unang pagkataon ay sinakdal din ito sa pangalawang artikulo sa pamamagitan ng pandarambong sa kaban ng bayan o plunder.

Pagbibigay diin pa ng abogado na ito ay natatangi dahil sa nasasakdal ang Pangalawang Pangulo sa pangatlong artikulo o ang malbersasyon ng pananalapi ng bayan (malversation of public funds) kabilang dito pagtataksil sa Konstitusyon at isinakdal si VP Sara dahil sa mga karumal-dumal na krimen na kinasangkutan nito.

To God be the Glory