Calendar

Remulla: Sa NFI, sigurado na ebidensya para sa conviction o acquittal ng suspek
SINABI ni Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal Jonvic Remulla na ang bagong tatag na National Forensics Institute (NFI) ay isang mahalagang hakbang tungo sa modernisasyon ng sistemang panghustisya sa bansa.
Ayon sa kanya, magbibigay ito ng mas tiyak at siyentipikong ebidensya na makatutulong sa paglutas ng mga krimen.
Sa groundbreaking ceremony sa University of the Philippines Manila, binigyang-diin ni Remulla: “Dito, sigurado na kung bakit, sigurado na kung anong kinamatay, at sigurado na rin yung mga scientific evidence para sa convictions or acquittal ng mga suspects natin.”
Dumalo rin sa nasabing seremonya sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Kalihim ng Katarungan Jesus Crispin Remulla, Ambassador ng Australia H.K. Yu, at mga opisyal mula sa UP Manila at Monash University.
Itinatag ang NFI sa bisa ng Administrative Order No. 29 mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na lumikha rin ng isang Technical Working Group mula sa iba’t ibang ahensya upang mamahala sa pagpapatayo nito.
Ayon kay UP President Angelo Jimenez, layunin ng NFI na maghanda ng mga eksperto sa forensic medicine, palakasin ang kakayahan ng mga tagapagpatupad ng batas, at isulong ang isang sistemang panghustisya na nakabatay sa karapatang pantao at pananagutan.
Si Dr. Raquel Fortun at Dr. Cecilia Lim—ang dalawang natatanging forensic pathologist ng bansa—ay magsisilbing pangunahing guro sa ilalim ng Master of Science in Forensic Medicine Program, katuwang ang mga eksperto mula sa UP at Monash.
Ang pagtatatag ng NFI ay katuparan ng pangako ng pamahalaan ng Pilipinas noong ika-75 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights sa Geneva noong 2023.