Abante House spox Atty. Princess Abante:

Kamara hindi dahilan kaya wala pang paglilitis kay VP Sara— House spox

34 Views

KUNG mayroon mang pagkaantala man sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte hindi ang Kamara de Representantes ang may kagagawan nito.

Ito ang sinabi ni House spokesperson Atty. Princess Abante nitong Huwebes bilang tugon sa ulat na maaaring maantala ang impeachment trial dahil hindi umano tinanggap ng Kamara ang ipinadalang entry of appearance ng mga abugado ni Duterte.

“Walang tumanggi – tamang proseso lang ang sinunod. Ang Kamara ay nakatupad na sa tungkulin nito. Naipasa na namin ang Articles of Impeachment sa Senado. Nasa kapangyarihan na po ng Senado ang susunod na hakbang. Kung may pagkaantala, hindi ito galing sa House,” dagdag pa niya.

Sinabi ng Senate impeachment court spokesperson na si Atty. Reginald Tongol na ang pagtanggi umano ng Kamara na tanggapin ang entry of appearance ng legal team ni VP Duterte ang posibleng magdulot ng pagkaantala sa paglilitis.

Nanawagan siya sa kanyang counterpart sa impeachment court na huwag lituhin ang publiko kaugnay ng entry of appearance.

“Sa gitna ng mga isyung ito, pakiusap lang sa tagapagsalita ng Senado: huwag sanang lituhin ang publiko. Huwag gawing dahilan ang isang clerical detail para ipasa ang sisi sa Kamara. Maliit na bagay ito na pinapalaking parang may masamang layunin, gayong malinaw naman ang intensyon ng staff – sumunod sa proseso, hindi magdulot ng abala,” ani Abante.

Nilinaw niyang noong Hunyo 16, isang messenger ang dumating sa gate ng House of Representatives sa Quezon City at nagtangkang magsumite ng dokumento.

“Ngunit hindi malinaw kung saan ito galing at kung anong klaseng dokumento ito. Walang cover letter, walang pormal na paliwanag. Kaya’t hindi ito agad tinanggap — hindi dahil tinanggihan, kundi dahil kailangang malinawan muna ang layunin at tamang pagproseso,” aniya.

Iginiit niya na hindi tumanggi ang Kamara na tanggapin ang dokumento, taliwas sa pinalalabas ng legal team ng Bise Presidente na nag-iwan ng note na may nakasulat na: “Tender Copy – Refused to Receive.”

“Walang masamang intensyon. Wala ring tinanggihan. Ang hinanap lang ay ang tamang pagkilala sa dokumento. Kung ito ay Entry of Appearance, sana ay sinabi na lang agad—upang naiproseso ito nang maayos,” ayon kay Abante.

Binigyang-diin din niya na ang entry of appearance ng mga abogado ng Bise Presidente sa impeachment court ay hindi requirement upang magpatuloy ang paglilitis.

“Ang Entry of Appearance ay hindi requirement para umusad ang impeachment trial. Wala itong epekto sa takbo ng paglilitis. At higit sa lahat, hindi ito ang dahilan kung bakit wala pang trial hanggang ngayon,” aniya.

Nanawagan siya sa lahat ng may kaugnayan sa usapin:

“Huwag po nating gawing teleserye ang isang seryosong proseso. Ang impeachment ay hindi tungkol sa pa-victim o paandar – ito ay tungkol sa katotohanan, pananagutan, at hustisya.”