Calendar

Kamara kinuwestyon biyahe ni VP Sara sa Australia
“SARA all.”
Ito ang makahulugang patutsada ng Kamara sa gitna ng panibagong isyu kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y pagdalo niya sa “Free Duterte Now” rally sa Australia bilang suporta sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa isang presscon nitong Biyernes, sinabi ni House spokesperson Atty. Princess Abante na hindi malinaw kung opisyal o personal ang biyahe ng Pangalawang Pangulo, pero iginiit niyang ang bawat oras ng mga halal na opisyal—sa loob o labas man ng bansa—ay dapat inilaan “para sa taumbayan, hindi sa personal na interes.”
“Pero alam n’yo, hindi ko alam kung if that is an official travel or if it’s a personal travel. But lagi-lagi, bilang halal na opisyal ng bayan, ‘yung oras mo na ginugugol, oras mo sa loob at labas ng ating bansa, ito man ay pang-personal o official, dapat para sa taumbayan, hindi sa personal na interes,” diin ni Abante.
Dagdag niya, ang tiwala at pondo ng bayan, pati na ang mandato mula sa halalan, ay hindi dapat sinasayang sa mga layuning pansarili.
“Para hindi nasasayang ang tiwala, ang pondo at ibinigay na mandato ng Pilipino sa atin,” giit pa niya.
Uminit ang usapin matapos lumabas ang mga ulat na nagtungo si VP Sara sa Australia upang dumalo sa “Free Duterte Now” rally — isang kilos-protesta umano para ipagtanggol ang kanyang ama na nahaharap ngayon sa kaso sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y mga krimen sa ilalim ng madugong war on drugs.
Umani ng batikos mula sa watchdog groups at ilang political analysts ang biyahe dahil tila partisan o pampulitikang aktibidad ito sa gitna ng kasalukuyang tensyon sa pamahalaan.
Matatandaang ilang ulit nang nanawagan ang Kamara para sa mas mahigpit na transparency at accountability sa paggasta ng pondo ng gobyerno, lalo na matapos mabunyag ang isyu ng paggamit ni VP Sara ng confidential funds noong siya pa ang kalihim ng Department of Education.