Calendar

Pamemersonal ni Sen. Imee ukol sa San Juanico Bridge pinuna ng Kamara
PINUNA ng Kamara de Representantes si Senator Imee Marcos sa umano’y pag-iwas nito sa responsibilidad kaugnay ng isyu ng San Juanico Bridge kasabay ang pag-giit nito na kailangang magtulungan upang maayos ang problema sa halip na magsisihan.
Sa isang press conference, pinuna ni House spokesperson Atty. Princess Abante si Marcos sa pamemerasonal ng isyu imbes na harapin ang kanyang pananagutan bilang mambabatas, partikular sa proseso ng national budget.
“Una, bilang senador, kasama din sa tungkulin niya ‘yung pagbalangkas ng budget ng bansa. Galing sa House, papunta sa Senate,” ayon kay Abante.
“Kaya nung kinuwestiyon niya kung ano ang nangyayari sa pangangalaga ng San Juanico Bridge, eh sinagot lang natin na alam ko, sigurado ako based on records may pondong nailagay for the maintenance ng San Juanico Bridge since 2018, mismo advocated by the congressman of the 1st District of Leyte,” dagdag ni Abante, na tumutukoy kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Una nang hinamon ni Abante si Marcos na ilahad ang sarili nitong kontribusyon sa pagpapanatili ng tulay, matapos umanong maliitin ng senadora ang ginagawang hakbang ng pamahalaan sa pagsasabing pang-repainting lamang ang nakalaang pondo para dito.
Sa panibagong pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Abante na kung talagang mahalaga kay Marcos ang kalagayan ng tulay, dapat ay ipakita rin nito kung ano ang nagawa niya para suportahan ito.
“Ngayon kung tatanungin niya ano ‘yung nangyayari, dapat tanungin din bilang senador ano ang nagawa niya para sa San Juanico Bridge. Tutal, hindi pwedeng tanong lang nang tanong.
Kailangan nagtatrabaho,” ayon sa tagapagsalita ng Kamara.
Inisa-isa rin ni Abante ang listaha ng pondong nailaan ng Kamara para sa tulay: P27 milyon noong 2018, P22 milyon noong 2019, P105 milyon noong 2021, P90 milyon noong 2022, at P150 milyon noong 2023. Para sa 2026, may panukalang itaas ito sa P400 milyon.
“This is a concrete initiative of the House of Representatives. Gusto rin nating malaman ano rin ang initiative ng Senado, tutal gusto nilang malaman kung ano ang nangyayari. Nasa posisyon sila para gumawa ng solusyon, hindi maghanap ng sisi,” saad ni Abante.
Matagal nang isinasama ni Speaker Romualdez, kinatawan ng unang distrito ng Leyte, ang pagsasaayos ng San Juanico Bridge sa kanyang mga plano sa imprastruktura, kahit bago pa siya naging Speaker.
Ang 2.16-kilometrong San Juanico Bridge ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas, na nag-uugnay sa Samar at Leyte. Isa itong mahalagang daanan para sa ekonomiya at transportasyon sa Silangang Visayas, at isa ring pangunahing atraksyon sa turismo.
Kamakailan, nagdeklara si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng state of calamity sa tulay matapos itong masira ng sunod-sunod na bagyo, dahilan upang simulan ang emergency rehabilitation measures.