Romero Makikita sa larawan si Rep. Mikee Romero (pang-apat mula kaliwa) at reservist at military officer matapos ang Basco induction ng bagong 700 reservists.

700 propesyonal, guro, empleyado ng gov’t kabataan sumali sa AFP reservists — Romero

64 Views

Basco, Batanes — Mahigit 700 propesyonal, guro, kawani ng gobyerno, lider-kabataan, at barangay officials ang pormal na nanumpa bilang bagong kasapi ng military reservists na pinangungunahan ni 1-Pacman Representative Mikee Romero.

Ayon kay Romero, na isang reservist ng Philippine Air Force na may ranggong Lieutenant Colonel, isinagawa ang mass oath-taking para sa mga bagong miyembro ng Association of Reservists and Reservist Administrators of the Philippines (ARRAPI) kamakailan sa Basco, Batanes.

“Ang ating mga bagong kasapi, kasama ng ating mga naunang miyembro, ay magsisilbi sa ilalim ng ARRAPI sa mahigpit na koordinasyon sa AFP Reserve Command upang makatulong sa pagtatanggol ng komunidad, pagtibay ng kakayahan sa panahon ng sakuna, at pagtulong sa makataong misyon,” ayon kay Romero, na siya ring Chairman ng ARRAPI.

Dagdag pa niya, ang mga bagong reservist ay pumili na ng sangay ng AFP kung saan sila nais magsanay at magsilbi — Army, Air Force, Navy, o Marine Corps.

“Layunin ng ARRAPI na pag-isahin at palakasin ang hanay ng mga reservists sa buong bansa. Ipinakita ng Batanes kung gaano kahalaga ang pagkakaisa ng mga lingkod-bayan at karaniwang mamamayan para sa bayan at patriotismo,” sabi pa ng kongresista.

Ipinagmalaki rin ni Romero na ang seremonya sa Basco ay isa sa pinakamalalaking mass induction ng reservists sa kasaysayan ng bansa, at nagsisilbing huwaran sa mobilisasyon sa grassroots level at pakikipagtulungan ng sibilyan at militar.

Aniya, lumalakas ang puwersa ng ARRAPI na ngayon ay may higit sa 5,000 kasapi sa buong bansa. Patuloy ito sa pagtulong sa mga programa ng AFP kaugnay ng pambansang seguridad, pagtugon sa sakuna, makataong misyon, at iba pang civil-military operations.

Ang seremonya sa Basco ay sinuportahan ng mga matataas na opisyal ng AFP, sa pangunguna ni Major General Danilo Dupiag, acting deputy chief of staff for retirees and retiree affairs.