OFW Ang Overseas Filipino Worker (OFW) na pitong taon ng domestic helper sa Amman, Jordan ay makakauwi na at maaabutan pa ang burol ng kanyang ama. Kuha ni CHRISTIAN SUPNAD

DH na minamaltrato sa Jordan makakauwi na

Steve A. Gosuico Jun 21, 2025
38 Views

GENERAL TINIO, Nueva Ecija – Parang nabunutan ng tinik sa lalamunan si Josielyn Fernandez, 54, nang malaman na makakauwi na ng bansa si Judylyn Fernandez, 34, ang anak niyang Overseas Filipino Worker (OFW) na pitong taon ng domestic helper sa Amman, Jordan.

“Wala nang problema kasi ibibigay din po ang sahod niya,” dagdag pa ng ina, na ngayo’y nagluluksa dahil sa mister niyang namatay.
Isa ito sa mga dahilan kaya gusto ng ina na makauwi agad si Judylyn para abutan ang burol ng kanyang ama na si Rodolfo S. Fernandez.

Humingi ng tulong si Nanay Josielyn kay Mayor Sherry Ann Bolisay upang mabigyang pansin ang kanyang hinaing na matulungang makauwi agad ng bansa ang kanyang anak na minamaltrato sa kanyang trabaho.

“Ang aking anak ay finish contract na noong March 21, 2020 pero ayaw pa ring pauwiin ng amo at hindi nakikipag-communication sa aming pamilya kaya gusto naming pauwiin na siya agad.

Pero naging maayos din naman ang naging resulta kaya God bless po, maraming salamat sa abala,” sabi ng ina sa Journal Group nang malaman na uuwi na ng Pilipinas ang kanyang anak.