Delima1 Dating Sen. Leila de Lima

De Lima duda sa timing ng Ombudsman order vs VP Duterte kaugnay ng kasong plunder, malversation

25 Views

PARA kay dating Sen. Leila de Lima, na ngayon ay representative-elect ng Mamamayang Liberal, kaduda-duda ang timing ng utos ng Office of the Ombudsman na pasagutin si Vice President Sara Duterte at iba pang akusado kaugnay ng iregularidad umano sa paggastos ng confidential funds.

“There’s really room and there’s reason for concern. Especially on the part of prosecutors, sa impeachment prosecutors,” ani De Lima.

Ipinunto ni De Lima na ang timing ng kautusan ng Ombudsman para sagutin ang mga kasong kriminal kaugnay ng paggamit ng confidential funds ay nakakaduda—lalo’t ang kasalukuyang Ombudsman ay itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at nakatakdang magretiro sa darating na Hulyo.

Sa isang panayam sa Laban para sa Karapatan sa dwIZ na pinangasiwaan nina Atty. Lorna Kapunan at Jaime Regalario, sinabi ni De Lima na kapansin-pansin ang biglaang pagkilos ng Ombudsman kumpara sa umano’y mabagal nitong pagtugon sa mga kasong kinasasangkutan ng mga kaalyado ng nakaraang administrasyon.

Ang House committee on good government and public accountability, na nagsagawa ng imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Duterte, ay nagrekomenda ng paghahain ng iba’t ibang kasong kriminal laban sa Pangalawang Pangulo. Ang ulat ng komiteng ito ay inaprubahan ng Kamara.

Kabilang sa mga kasong ito ang plunder, technical malversation, falsification of public documents, bribery at corruption.

Batay sa rekomendasyong ito, kumilos ang Office of the Ombudsman at naglabas ng kautusan sa Pangalawang Pangulo at iba pang opisyal na magsumite ng kanilang counter-affidavits.

Binigyang-diin ni De Lima na ang mabilis na kilos ng Ombudsman ay tila “out of character,” kung ikukumpara sa mabagal na pag-usad ng mga kasong sangkot ang mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte noon.

“So, that’s out of character actually if you can say so na ang bilis niyang umaksyon para pasagutin kaagad si VP Sara,” ani De Lima. “And we have to take note na malapit na kasi siyang mag-retire. Come July, magre-retire na.”

Nagbabala ang kinatawan ng Mamamayang Liberal na kung agad na ibabasura ng Ombudsman ang kaso bago pa magsimula ang paglilitis ng Senado bilang impeachment court, maaari itong makaapekto sa pananaw sa ebidensyang ihaharap sa paglilitis.

“Hindi mawawala sa atin na magduda, magsuspetya na baka nga ang balak ay baka aaksyunan niya kaagad pag nakuha na, na-submit na ‘yung counter-affidavit at hindi malayo ‘yung idi-dismiss,” aniya.

Ipinaliwanag pa niya na ang posibleng dismissal ng kaso ay maaaring gamitin ng kampo ng depensa upang pahinain ang kaso ng prosekusyon.

“Kapag i-dismiss ‘yan, necessarily that would have an effect on the impeachment case doon sa trial. Ganoon lang, babanggitin ng defense counsel eh. There’s a finding of probable cause,” sinabi ni De Lima.

Binanggit din ni De Lima ang nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kinukuwestiyon ang konstitusyonalidad ng pagpapadala ng House of Representatives ng Articles of Impeachment sa Senado—isang argumento rin na ginamit umano ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa kanyang bigong pagtatangkang ipa-dismiss ang kaso sa Senado.

Naalala rin ni De Lima ang matinding reaksyon ng publiko sa hakbang ni Dela Rosa na i-dismiss ang Articles of Impeachment, na umani ng sunod-sunod na batikos mula sa mga law school at legal experts.

“Grabe ‘yung reaction ng mga tao, ‘yung sunod-sunod na mga statements galing from law schools, law groups, constitutional experts, legal experts,” aniya.

Bilang tugon, pinagtibay ng Senado ang tinawag ni De Lima na “semi-Solomonic solution” sa pamamagitan ng mosyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na ipa-remand ang articles sa Kamara.

“Iyong amendment ni Sen. Alan Peter Cayetano na pina-remand na muna ay kwestyunable rin. Bakit ire-remand pa ‘yun?” tanong ni De Lima.

Aniya, ang naturang remand, na binatikos bilang unconstitutional, ay tila bahagi ng pattern ng pag-iwas sa paglilitis sa lahat ng paraan.

“Itong mga galaw na ito, this is really cause for concern. Parang doon tumutumbok na eh, towards basta dismissal. Para bang ayaw na nilang magkaroon talaga ng trial,” sabi pa niya.

Dagdag pa ni De Lima, naghain na rin ng special appearance “ad cautelam” ang kampo ni Duterte—na maaaring senyales ng iba pang estratehikong hakbang.

“I think they will do everything including magiging strategy din ng legal defense nila. Alam n’yo naman nag-file na siya ng appearance ad cautelam pa. So ad cautelam because I think they’re going to do something else,” aniya.

Ang paghahain ng appearance ad cautelam ay nangangahulugang hindi pa kinikilala ng kampo ni VP Duterte ang hurisdiksyon ng impeachment court.