Calendar

Marcos gustong maalala bilang pinuno na nagdala ng positibong pagbabago
NAIS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maalala bilang isang pinunong nagdala ng “pagbabago para sa ikabubuti” at nangakong sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028, makikita ng mga Pilipino ang “makabuluhan at konkretong” pagbuti sa kanilang buhay.
Sa ikaapat at huling bahagi ng BBM Podcast Episode 2 na ipinalabas ng Sabado, sinabi ng Pangulo na sa lahat ng posisyong kanyang hinawakan sa pamahalaan, sinikap niyang makapaghatid ng makahulugang pagbabago upang mapabuti ang buhay ng mga tao.
Binigyang-diin ng Pangulo ang layunin niyang mag-iwan ng pamana ng mga “makabuluhan at konkretong pagbabago” na tunay na nagpaangat sa pamumuhay ng bawat Pilipino.
“We made a change for the better,” sagot agad ni Pangulong Marcos nang tanungin kung ano ang nais niyang maalala sa pagtatapos ng kanyang termino.
“‘Yan ang naging gabay ko sa lahat ng posisyon na aking hinawakan. Ang pinakamasama ay ‘yung umupo ka sa puwesto, nagsilbi ka, tapos umalis ka na parang walang nagbago,” sinabi ng Pangulo.
“Kaya’t talagang pinaninindigan ko na pagdating ng 2028, kapag ako’y umalis sa puwesto, may makabuluhan at konkretong mga pagbabagong mararamdaman na magpapabuti sa buhay ng bawat Pilipino,” diin ni Pangulong Marcos.
Sa mga nakaraang linggo, ipinamalas ni Pangulong Marcos ang kanyang pamumuno bilang isang “action man,” sa pamamagitan ng sunod-sunod na mga aktibidad tulad ng mga inagurasyon, inspeksyon at mga kautusang may agarang aksyon—lahat nakatuon sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mamamayan at pagresolba sa mahahalagang isyu ng bansa.
Pinangunahan ng Pangulo ang mga inisyatibang pangunahing layunin ay palakasin ang ekonomiya ng bansa at tugunan ang mga usaping may kinalaman sa pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.
PCO