De-Lima Mamamayang Liberal Representative-elect Leila de Lima

VP Sara takot sa ebidensyang lalabas sa full-blown impeachment trial — De Lima

24 Views

TAKOT umano si Vice President Sara Duterte na magkaroon ng isang full-blown investigation dahil lalabas doon ang mga ebidensya na magpapatunay ng mga alegasyon laban sa kanya gaya ng maling paggamit ng confidential funds, ayon kay dating Senador at Representative-elect Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party-list.

Sinabi ni De Lima na ang takot na ito ang nagpapaliwanag sa tila koordinadong estratehiya upang pahabain o hadlangan ang proseso sa Senado—kabilang ang paghahain ng mga legal na mosyon, mga biyahe sa ibang bansa, at ang posibleng paggamit ng desisyon ng Ombudsman upang maagang hadlangan ang paglilitis.

“You can say, they’re really scared. I mean VP Sara is scared,” ayon kay De Lima sa panayam ng Laban para sa Karapatan radio program nina Atty. Lorna Kapunan at Jaime Regalario sa dwIZ noong Sabado.

“This is really cause for concern kasi ang pinaka-objective is hangga’t maaari hindi dapat magkaroon ng trial proper. Hangga’t maaari hindi dapat lumabas ang mga ebidensya,” dagdag pa niya.

Kamakailan lamang, inatasan ng Office of the Ombudsman na pinamumunuan ng appointee ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na si Samuel Martires ang Bise Presidente na magsumite ng sagot sa mga kasong plunder, technical malversation at iba pa, batay sa ulat na inaprubahan ng House committee on good government.

Ang kautusang ito ay inilabas ilang linggo matapos aprubahan ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Duterte na ngayon ay nakabinbin sa Senado.

Sinabi ni De Lima na kung ibabasura ng Ombudsman ang reklamo, maaari itong gamitin upang pahinain ang kaso ng prosekusyon laban sa Pangalawang Pangulo.

Nauna rito, tinangkang ipa-dismiss ni Sen. Ronald dela Rosa ang articles of impeachment, ngunit sa halip ay piniling ibalik ng Senado ang mga dokumento sa Kamara.

Ang hakbang na ito ay mariing pinuna ng mga legal expert at itinuring ng House prosecution bilang isang delaying tactic.

Nagsumite rin ang kampo ni Vice President Duterte ng appearance “ad cautelam” sa impeachment court—na nagpapahiwatig ng posibilidad ng mga susunod pang procedural challenges.

Itinuro ni De Lima na ang sunod-sunod na mga aksyon—mula sa biglaang kautusan ng Ombudsman na magsumite ng counter-affidavit hanggang sa nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kinukuwestiyon ang pagpapasa ng Articles of Impeachment—ay nagpapakita ng isang pattern.

“Lahat ‘yan magkatugma-tugma. It could really be part of the strategy, na ‘yan na nakikita na, nababasa na,” ani De Lima.

Pinuna rin niya ang patuloy na pagliban ni Duterte sa bansa sa gitna ng lumalalang usapin sa batas.

“Ito ang ginagawa niya ngayon, hindi mo na alam kung nagtatrabaho siya as VP. Kasi kung palagi na lang siyang abroad, nagme-meet ng mga supporters nila. The latest is that I think she’s going or she left already for Australia to meet up and to have again there some sort of a rally. ‘Yung pauwiin si former Pres. Duterte,” sabi ni De Lima.

Kumpirmado rin aniya na ang Articles of Impeachment ay may kasamang mga alegasyon na may kinalaman sa mga transaksiyon sa bangko at paggamit ng pekeng dokumento sa pagli-liquidate ng pondo ng bayan.

“Kasama nga ‘yun. Kasama nga ‘yun sa charges. There are about two articles do’n sa Articles of Impeachment na covered ‘yan. And I think, isa ‘yan sa mga bagay sa mga charges na takot si VP Sara,” aniya.

Dagdag pa niya, tila ginagamit ni Duterte ang parehong legal at public relations na estratehiya upang kontrolin ang naratibo at guluhin ang proseso.

“So they’re doing everything. Sa legal side, of course, hiring a big firm and ang dami nila, 16 lawyers. And then itong kanyang mga foreign trip blitz part of propaganda,” sabi ni De Lima.